top of page

‘Halatang pagkalasing,’ hindi sapat na pruweba ng paglabag sa liquor ban sa halalan — Korte Suprema

Sari Story

September 16, 2026 at 9:02:21 AM

Larawan ng baso na may alak

Larawan ng isang baso ng alak

Thomas Park / Unsplash sa pamamagitan ng Wix

MAYNILA — Nilinaw ng Korte Suprema (SC) na ang mga palatandaang gaya ng pagiging lasing ay hindi sapat upang mapatunayan na lumabag ang isang tao sa liquor ban o pagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alak tuwing halalan.


Ito ang sinabi ng Korte Suprema nitong Martes nang ilabas nito ang desisyon ng Third Division na nag-aabsuwelto kay Mcgill Esquillo Omandam, na nahatulang lumabag sa liquor ban noong 2019 elections.

Inaresto si Omandam noong bisperas ng halalan matapos rumesponde ang mga pulis sa ulat ng kaguluhan.


Ayon sa mga umarestong pulis, mukhang lasing si Omandam, amoy alak, pautal-utal magsalita, at mabagal kumilos. Nakarekober din ang mga awtoridad ng dalawang walang lamang bote ng alak malapit sa lugar ng insidente.


Kapwa siya hinatulang nagkasala ng Regional Trial Court at Court of Appeals.


Gayunman, sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi nitong nabigo ang prosekusyon na patunayan nang lampas sa makatwirang pagdududa na uminom ng alak si Omandam sa panahong ipinagbabawal ito.


Binigyang-diin ng Korte Suprema na nakasalig nang husto ang prosekusyon sa pahayag ng umarestong pulis na mabagal kumilos at pautal-utal magsalita ang akusado. Ngunit, ayon sa korte, hindi naman nagsagawa ng anumang pagsusuri sa kakayahang kumilos ng isang taong pinaghihinalaang lasing, hindi gumamit ng breath analyzer, at hindi kumuha ng anumang kumpirmasyong pagsusuring kemikal (did not conduct any field sobriety test, administer any breath analyzer examination, or secure any confirmatory chemical test).

“Mahalaga ring isaalang-alang na wala man lamang ang pinakapayak na uri ng dokumentasyon—walang mga litrato at walang video recording (Equally telling is the absence of even the most rudimentary forms of documentation— no photographs, no video recording),” giit ng katas-taasang hukuman.


Sinabi rin ng SC na bagama’t dalawang walang lamang bote ng alak ang nakumpiska, hindi ito sinuri ng mga pulis para sa fingerprints o isinailalim sa forensic examination upang malaman kung nahawakan nga ito ni Omandam.


Ayon sa Korte Suprema, ang mga pagkukulang na ito ay nagpahina sa katumpakan at pagiging patas ng imbestigasyon. Sa kabuuan, nagdulot ang mga ito ng pagdududa sa pagiging maaasahan at kasapatan ng mga ebidensiyang batay sa mga pangyayari.


“Higit pa rito ang hinihingi ng Konstitusyon bago maaaring bawasan ang kalayaan ng isang tao at patawan siya ng pananagutang kriminal. Ang pagpapatibay sa hatol na nagkasala batay sa ganoon kahinang mga batayan ay hindi lamang makasisira sa pagpapalagay na walang sala ang akusado, kundi magtatakda rin ng pamantayan ng pagpapatunay na mas mababa kaysa sa kinakailangan sa mga kasong kriminal—isang resulta na hindi maaaring tanggapin ng Korte (The Constitution demands more before liberty may be curtailed and criminal liability imposed. To affirm a conviction on such frail grounds would not only erode the presumption of innocence but would likewise sanction a standard of proof far beneath that required in criminal prosecutions—a result which the Court cannot and will not countenance),” pahayag ng SC.


bottom of page