Tuluyang pag-aalis sa 12% VAT sa kuryente, isinusulong ng isang Senador
Sari Story News
September 2, 2026 at 11:51:47 AM
Hiniling ni Senator Bam Aquino sa pamahalaan na pag-aralan ang tuluyang pag-alis sa 12% VAT sa residential electricity para maibaba ang singil sa kuryente.
Sa gitna na rin ito ng isinusulong na pagaalis sa system loss charge na bumubuo ng humigit-kumulang 5 hanggang 6 na porsyento ng singil sa kuryente.
Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), sinabi ni Aquino na maaaring magbigay ng mas malaking ginhawa sa mga consumer ang panukala, kasabay ng mga hakbang na alisin ang system loss charges sa kanilang mga bill sa kuryente.
“Kung tatanggalin po iyong VAT sa kuryente ng mga residential–hindi po mga negosyo, mga factory, but just residential, this could mean a bigger drop in the electricity bill of our citizens,” pahayag ni Aquino sa mga economic managers.
Naunang inihain na ni Aquino ang Senate Bill No. 266 na layong gawing exempted sa VAT ang pagbebenta ng kuryente ng mga kumpanyang nasa generation, transmission, at distribution, gayundin ng mga electric cooperative.
Kapag naisabatas, naniniwala ang mambabatas na makatutulong ito para mapababa ang presyo ng kuryente sa pamamagitan ng pagtanggal sa buwis na ipinapasa sa mga konsyumer.
“Iyong VAT on electricity is 12 percent right away from the electricity bill. Baka this is something we can also look at,” ayon kay Aquino.
Layunin din ng panukalang batas na gawing exempted sa VAT ang mga serbisyo ng mga franchise grantee ng mga electric utility.

