top of page

Trapiko sa Strait of Hormuz, bumagsak sa pinakamababang antas matapos ang mga pag-atake sa mga barko

Sari Story

September 7, 2026 at 8:51:34 AM

Larawan ng babaeng naglalakad sa dalampasigan

Kuha ng isang babaeng naglalakad sa dalampasigan ng Bandar Abbas, habang makikita ang mga sasakyang pandagat sa Strait of Hormuz, Iran, Setyembre 5, 2026.

West Asia News Agency sa pamamagitan ng Reuters

SINGAPORE — Bumaba sa average na 10 commodity ship kada araw ang mga barkong dumadaan sa Strait of Hormuz nitong nakalipas na 10 araw, pinakamababa mula noong Mayo, ayon sa datos ng shipping industry noong Lunes, kasunod ng mga pag-atake ng United States at Iran sa mga tanker.


Batay sa datos ng analytics firm na Kpler, nasa 10 barko ang 10-day moving average nitong Linggo, mula sa mahigit 15 noong Biyernes at halos 13 noong Sabado.


Dalawang barko lamang ang dumaan sa Strait of Hormuz noong Sabado, habang anim naman noong Linggo, karamihan ay gumamit ng Iranian route.


Tatlong Iranian oil tanker ang tinamaan ng pag-atake ng U.S. forces noong Sabado, ayon sa U.S. Central Command. Kabilang dito ang isang tanker na nasa labas ng Kharg Island, pangunahing oil export hub ng Iran, kasunod ng mga pag-atake ng Islamic Revolutionary Guard Corps o IRGC ng Iran laban sa mga barkong pandigma ng U.S. sa rehiyon.


Bilang pagganti, sinabi ng IRGC navy noong Sabado na tinarget nito ang tatlong oil tanker na dumaraan sa mga rutang hindi awtorisado sa Strait of Hormuz, gayundin ang tatlo pang U.S. vessels sa ibang lugar.


Ang tatlong Iranian tanker ay ang Downy, Stark I at Kylo, na kilala rin bilang Noxen, ayon sa maritime intelligence firm na Marisks.


Inilarawan ng Marisks ang mga pag-atake noong Sabado bilang isang "malaking paglala ng maritime conflict" (major escalation in the maritime conflict).


“Sinasadya nang gamitin ang mga commercial tanker bilang instrumento ng magkabilang panig para sa panggigipit sa ekonomiya, na higit pang nagpapahina sa dating malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng labanan ng militar at commercial shipping," dagdag ng kompanya.

(Commercial tankers are now being deliberately used as instruments of reciprocal economic pressure, substantially weakening the previous distinction between military confrontation and commercial shipping.)


“Itinuturing na ngayon na sukdulan ang panganib para sa mga barkong Iranian o may kaugnayan sa Iran, habang tumaas naman ang panganib para sa mga barkong may kaugnayan sa U.S. o sinasamahan ng U.S. sa buong Strait of Hormuz at Gulf of Oman." 

(Risk is therefore assessed as extreme for Iranian/Iran-linked tonnage and materially elevated for U.S.-linked or U.S.-escorted shipping throughout the Strait of Hormuz and Gulf of Oman.)

Ayon naman sa United Kingdom Maritime Trade Operations o UKMTO sa lingguhang ulat nito, 27 insidente ng projectile strike ang naitala mula noong Hulyo 6, na nagdulot ng pinsala sa mga barkong nag-ooperate sa loob at paligid ng Strait of Hormuz.


Noong Linggo, isang napakalaking crude carrier o VLCC at tatlong bulk carrier na may kargang metal, butil o oilseed ang pumasok sa Strait of Hormuz, ayon sa datos ng Kpler.


Samantala, isang tanker na may kargang refined petroleum products na nagmula sa isang daungan sa Saudi Arabia ang nagtangkang lumabas sa Strait ngunit napilitang bumalik, ayon sa datos ng LSEG.


Wala pang VLCC na nakalabas sa Strait of Hormuz mula noong Miyerkules, batay sa datos ng Kpler.


bottom of page