top of page

South Korea, planong mamuhunan ng hanggang $200 bilyon sa US ayon kay Trump

Sandra Samala-Salem

October 1, 2026 at 3:11:27 PM

Larawan ni US President Donald Trump

Tinitingnan ni US President Donald Trump ang laro habang dumadalo sa Presidents Cup golf tournament sa Medinah Country Club sa Medinah, Illinois, US, noong Setyembre 27, 2026.

Nathan Howard/Reuters

WASHINGTON — Inanunsyo ni US President Donald Trump nitong Miyerkules ang plano ng South Korea na mamuhunan ng tinatayang $200 bilyon sa mga proyekto sa United States, ngunit agad namang nilinaw ng Seoul na hindi pa pinal ang isang mahalagang bahagi nito—ang $54 bilyong pipeline para sa LNG project sa Alaska


.

Ang inanunsyo ng White House ang unang hanay ng malalaking proyekto sa ilalim ng mas malawak na $350 bilyong strategic investment package na ipinangako ng South Korea bilang bahagi ng trade agreement nito sa Washington noong nakaraang taon. Kabilang sa package ang $150 bilyon para sa shipbuilding at $200 bilyon para sa strategic investments.


“Dahil sa mga kasunduang nakamit ng aking administrasyon sa Republic of Korea, mamumuhunan sila ng hanggang $200 bilyon (Thanks to the agreements my administration has secured with the Republic of Korea, they will invest up to $200 billion),” sinabi ni Trump mula sa Oval Office.


Sinabi niyang kabilang sa pamumuhunan ang pagtatayo ng walong malalaking nuclear power plant, isang natural gas pipeline at isang 6-gigawatt power generation facility sa Texas.


Ang anunsyo ay pinakabago sa serye ng mga economic at investment deal na binibigyang-diin ni Trump bago ang November midterm elections, habang sinisikap niyang patibayin ang kanyang economic record sa gitna ng pangamba ng mga botante sa digmaan sa Iran at mataas na presyo ng gasolina.


Maaari ring magkaroon ng political significance sa Alaska ang pipeline project, kung saan nahaharap si Republican Senator Dan Sullivan sa mahigpit na reelection race laban kay Democrat Mary Peltola. Dumalo si Sullivan sa anunsyo nitong Miyerkules.


Gayunman, sinabi ng gobyerno ng South Korea na matutuloy lamang ang pipeline project kung matutugunan ang ilang commercial at legal na kondisyon. Kinumpirma ng Seoul ang iba pang bahagi ng anunsyo ni Trump, kabilang ang $22.3 bilyong investment para sa isang gas power project sa Texas na magsusuplay ng kuryente sa AI data centers, gayundin ang $120 bilyon para sa pagtatayo ng walong nuclear reactor.


MATAGAL NANG NAKABINBIN ANG PROYEKTO


Sinabi ng South Korean industry ministry sa isang pahayag na sisimulan nitong suriin ang Alaska LNG project upang matukoy ang commercial viability nito at kung sumusunod ito sa mga legal na proseso.


“Wala pang desisyon kung mamumuhunan o kung magkano ang magiging investment (No decision has been made on whether to invest or on the size of the investment),” ayon dito.


Sinabi naman ni Industry Minister Kim Jung-kwan sa isang briefing kalaunan na nagpahayag siya ng pagtutol kay US Commerce Secretary Howard Lutnick hinggil sa anunsyo ng White House dahil lumampas ito sa mga napagkasunduan.


Sinabi rin ni South Korean President Lee Jae Myung sa isang post sa X na kailangang makumpirma muna ang commercial viability ng LNG project at mga nuclear reactor bago ituloy ang mga ito. Samantala, sinabi ng foreign ministry na umaasa itong ang anunsyo ng investment ay magbibigay-daan sa pag-usad ng mga pag-uusap tungkol sa seguridad at iba pang usapin.

Ayon sa mga analyst sa Seoul, maaaring humantong sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang magkaalyadong bansa ang anumang pagkakaiba sa detalye ng kasunduan sa pagitan ng Seoul at Washington, lalo na sa pagpapatupad nito.


Kung tuluyang matutuloy, kabilang sa Alaska LNG project ang 807-milyang pipeline na magdadala ng natural gas mula North Slope patungo sa liquefaction facility sa katimugang baybayin ng Alaska, kung saan maipapadala ang fuel sa mga pamilihan sa Asia. Dinisenyo ang proyekto na makapagdala ng humigit-kumulang 3.9 bilyong cubic feet ng natural gas kada araw at makagawa ng hanggang 20 milyong metric tons ng LNG kada taon, ayon sa White House.


Paulit-ulit na isinusulong ni Trump ang proyekto bilang paraan upang mapalawak ang energy exports ng US at mapatatag ang ugnayan nito sa mga kaalyado gaya ng South Korea at Japan.

Gayunman, ilang taon nang hindi tiyak ang kinabukasan ng proyekto dahil sa mga usapin sa gastos, financing at commercial viability nito.


Sinabi ng South Korean industry ministry noong nakaraang linggo na ang mahigit 6-gigawatt gas-fired power plant sa Encinal, Texas, ang unang proyektong napili sa ilalim ng $200 bilyong strategic investment program.


ANG MGA KASUNDUAN AY KAILANGAN NA TUPARIN 


Lumagda ang dalawang pinakamalaking LNG importer ng Japan na JERA at Tokyo Gas sa mga paunang kasunduan para bumili ng kabuuang 2 milyong metric tons kada taon mula sa Alaska LNG sakaling maitayo ito.


Malugod na tinanggap ng Glenfarne, developer ng proyekto, ang anunsyo ni Trump tungkol sa investment. Nakakuha na ito ng commitments para sa 13 milyong tons kada taon, ngunit nangangailangan pa ng karagdagang 3 milyong tons upang suportahan ang final investment decision at gawing binding ang mga commitment.


“Makikipagtulungan ang Glenfarne sa mga gobyerno ng US at South Korea upang tapusin ang investment structure at kumpletuhin ang mga natitirang hakbang na kailangan para maabot ang FID (Glenfarne will work with the US and Korean governments to finalize the investment structure and complete the remaining steps required to reach FID),” ayon sa pahayag nito.


Ang walong nuclear plant ay magiging bahagi ng pagsisikap ni Trump na palawakin ang nuclear power generation sa US habang tumataas ang demand sa kuryente, kabilang ang mula sa data centers at manufacturing. Nakikipag-usap na ang South Korea tungkol sa posibleng investment sa mga nuclear project sa US bilang bahagi ng mas malawak na package.


Inaasahang magsusuplay ng kuryente ang Texas gas-fired power project sa mga pasilidad na malaki ang konsumo ng enerhiya, kabilang ang semiconductor plants at data centers. Sinabi ng mga opisyal ng South Korea na napili ang proyekto matapos suriin ang commercial viability nito.


bottom of page