top of page

Senador Zubiri, isinusulong ang pagbabalik ng turboprop flights sa NAIA

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 27, 2026 at 1:22:45 PM

Larawan ng Eroplano

Itinuro rin ni Zubiri ang pagbaba ng bilang ng mga turistang bumibisita sa mga apektadong destinasyon, dahil sa dagdag na hirap sa paglalakbay na nagpapahirap sa pagpunta sa mga lokal na pasyalan para sa mga turistang lokal at dayuhan.

Bern Dittrich/Larawan mula sa Unsplash gamit ang Wix

Nanawagan si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri nitong Biyernes na ibalik ang mga turboprop flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), dahil nagdulot umano ang paglilipat ng mga ito sa ibang paliparan ng malaking pinsala sa mga komunidad na umaasa sa turismo at tinatayang P24 bilyong pagkalugi sa ekonomiya.


Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang badyet ng Department of Transportation (DOTr), hinimok ni Zubiri ang pamahalaan na muling pag-aralan ang desisyon noong Marso 2026 na ilipat ang mga operasyon ng turboprop sa labas ng pangunahing paliparan ng bansa.


Batay sa datos ng Department of Tourism (DOT), sinabi ni Zubiri na nagtamo ang El Nido at Coron sa Palawan ng tinatayang pinagsamang pagkalugi sa ekonomiya na P7.62 bilyon hanggang P10.61 bilyon mula Abril hanggang Oktubre 2026.


Samantala, tinatayang P14.2 bilyon naman ang naging pagkalugi ng Siargao mula Abril hanggang Setyembre 2026.


Binigyang-diin niya na hindi lamang mga airline at hotel ang naapektuhan nito kundi pati ang mga manggagawa at maliliit na negosyong umaasa sa turismo bilang pinagkukunan ng kanilang kita.


“Marami ang apektado rito. Siyempre, tinamaan ang industriya ng abyasyon at hospitality, pero isipin din natin ang lahat ng tour guide, tindero at tindera, drayber, kusinero, server, entertainer at maintenance provider. Napakaraming kabuhayan ang nakasalalay sa turismo,” paliwanag ni Zubiri.


Itinuro rin ng senador ang pagbaba ng bilang ng mga turistang bumibisita sa mga apektadong destinasyon, dahil sa dagdag na hirap sa paglalakbay na nagpapahirap sa pagpunta sa mga lokal na pasyalan para sa mga turistang lokal at dayuhan.


Tumatanggap ang El Nido ng 82,000 turista noong Enero 2026, mas mataas ng 8.9% kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. Gayunman, ipinakita ng paunang datos sa pagsubaybay na nagsimulang bumaba ang bilang ng mga dumarating noong Marso, hanggang sa umabot na lamang sa 11,925 noong Oktubre, o mas mababa ng 69.4% kumpara sa naitala noong Oktubre 2025.


Nakapagtala rin ang Siargao ng matinding pagbaba sa bilang ng mga bisita. Bumaba ng 79.5% ang mga lokal na turistang dumating mula Abril hanggang Setyembre 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong 2025, habang bumagsak naman ng 50.5% ang bilang ng mga dayuhang turista.


Nakapagtala ang isla ng 151,361 bisita mula Enero hanggang Setyembre 2026, kumpara sa 431,882 noong 2025.


“Nakaaalarma ang mga bilang na ito at nagpapakita ng kawalan ng malawak na pananaw sa naging desisyon na ilipat sa labas ng NAIA ang mga turboprop (These are alarming figures, pointing to a real short-sightedness in the decision to move turboprops out of NAIA),”  diin ni Zubiri.


Kinuwestiyon din niya ang halaga ng mga domestic flight, at binanggit ang pamasahe patungong Siargao na umaabot sa P27,000 hanggang P30,000, na aniya'y mas mahal pa kaysa sa mga flight patungo sa ilang international destination.


“Para sa mga lokal na turista (For domestic tourists), napakamahal ng mga flight papuntang El Nido, Coron at Siargao. Mas mura pa ang tiket papuntang Vietnam, Taiwan o maging Japan. Para naman sa mga dayuhang turista, hindi praktikal kung lalapag sila sa NAIA at kailangan pang lumipat sa Clark para sumakay ng panibagong flight patungo sa kanilang destinasyon,” hinaing niya.


Sinabi ni Zubiri na parehong mabigat na pasanin sa mga biyahero ang mahal na pamasahe at abalang paglilipat ng paliparan, dahilan upang hindi na gaanong maging kaakit-akit ang pagpunta sa mga lokal na destinasyong panturismo.


“Maiintindihan ko sana kung matagal ang biyahe pero mura ang tiket, o kung mahal ang tiket dahil walang abala sa paglalakbay. Pero doble ang pasanin natin dito. Mahal na nga ang pamasahe, napakahirap pa ng biyahe.”


Nagbabala siya na maaari pang mawalan ng gana ang mga turista na bumisita sa mga isla, na maglalagay sa alanganin sa kita ng mga komunidad na lubos na umaasa sa paggastos ng mga turista.


Umapela si Zubiri kay Transportation Secretary Vince Dizon na tugunan ang problema at bigyang-prayoridad ang kadalian ng pagpunta sa mga destinasyong panturismo ng bansa.


“Gawan natin ng paraan,” panawagan niya kay Dizon. “Dapat ay pabor tayo sa turismo. Sa halip, tayo mismo ang nagpapahina sa ating industriya at sadyang nagpapahirap sa mga lokal at dayuhang biyahero na makarating sa ating mga destinasyong panturismo (We should be pro-tourism. Instead we’re shooting ourselves in the foot and actively making it harder for domestic and foreign travelers to get to our tourist destinations).”

“Ang turismo ang pinakamainam nating pagkakataon upang makapagpasok ng dolyar sa ating ekonomiya sa ngayon. Mababa pa ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa iba pang sektor. Pero sa turismo? Naririyan na ang ating mga pasyalan. Ang kulang na lamang ay ang madaling pagpunta sa mga ito. Kaya pagtuunan natin ito ng pansin (Tourism is our best bet at getting dollars into our economy right now. Mababa pa ang investor confidence in other sectors. But tourism? Andiyan na ang ating mga tourist spots. Accessibility na lang kulang. So let us work on it),”pahayag ni Zubiri.


bottom of page