top of page

Senador Villanueva, hinimok ang NLEX na i-refund ang toll matapos ang matinding pagbaha at trapik

Sari Story

September 3, 2026 at 7:49:18 AM

Larawan ng bahang lugar sa NLEX

Bahagi ng NLEX na binaha.

Screenshot mula sa facebook page ng NLEX Corporation

MANILA – Hinikayat ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) na i-waive o i-refund ang toll fee ng mga motorista na na-stranded nang hanggang 22 oras dahil sa matinding pagbaha sa kahabaan ng expressway.


Sa kanyang privilege speech nitong Martes, binigyang-diin ni Villanueva ang malawakang traffic gridlock sa San Simon, Pampanga, na nakaapekto sa libu-libong commuter at nagdulot din ng pagkaantala sa pagbiyahe ng mga mambabatas patungong Maynila.

Kabilang sa mga naapektuhan si Sen. Lito Lapid, na isa ring taga-Pampanga at nanguna sa mga lokal na operasyon ng pagtugon sa mga naapektuhan ng kalamidad noong nakaraang araw. Kinumpirma ng tanggapan ni Lapid na umalis ang senador sa lalawigan alas-4 ng madaling araw ngunit nakarating sa Senado bandang alas-4 ng hapon—isang oras na late sa sesyon—matapos maipit nang 12 oras sa highway.Naipit din sa matinding trapiko sa NLEX si Sen. Robin Padilla nitong Lunes habang patungo sa Maynila.


Iginiit ni Villanueva na ang matagal na pagkakaipit sa trapiko ay isang seryosong usapin sa kaligtasan at kapakanan ng mga motorista kung saan kinuwestiyon niya ang naging tugon ng NLEX Corporation sa krisis.


“Naniniwala rin tayo na dapat ikonsidera ng NLEX management ang pag-waive o pag-refund ng toll fees para sa mga motoristang matinding naapektuhan ng prolonged closure. Nagbayad ka na ng toll, naipit ka pa sa baha. Hindi po iyon ang serbisyong binayaran ng ating mga kababayan,” sabi ni Villanueva.


Kinuwestiyon din ng senador kung nagbigay ba ang NLEX ng basic emergency assistance, gaya ng inuming tubig, pagkain, portable toilet at serbisyong medikal, sa mga motoristang halos isang araw na na-stranded sa kalsada.


Tungkol naman sa ugat ng problema, sinabi ni Villanueva na hindi pa rin nareresolba at paulit-ulit ang pagbaha sa expressway sa Pampanga.


Matapos ang katulad na pagbaha noong 2023, itinaas ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at NLEX ang isang bahagi ng highway sa Tulaoc area ng 0.7 metro.


Gayunman, iginiit ni Villanueva na hindi na sapat ang mga pansamantalang hakbang.

“Hindi po puwedeng pump out ngayon, baha ulit bukas, tapos pump out na naman. That is emergency response, not a permanent solution,” giit niya.


Pinuna rin ni Villanueva ang pamunuan ng NLEX dahil sa umano’y hindi sapat na traffic advisories at kakulangan ng maayos na signage sa isinagawang rerouting patungo sa Central Luzon Link Expressway (CLLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).


Ayon sa senador, napilitan ang maraming stranded na motorista na umasa sa navigation apps na hindi nakapagbibigay ng real-time update, dahilan kung kayat napunta ang mga motorista  sa mga lugar na binaha.


bottom of page