top of page

Senador, hinikayat ang DOE at PNOC na madaliin ang mga hakbang para sa pagkakaroon ng Philippine Oil Reserve

Sari Story News

September 4, 2026 at 1:07:51 PM

Larawan ng oil pump.

Isang screen grab ng larawan ng oil pump mula sa Wix.

Moritz Kindler / Unsplash via Wix

Hinimok ni Senate Committee on Energy Chairman Senator Erwin Tulfo ang Department of Energy (DOE) at ang Philippine National Oil Company (PNOC) na madaliin na ang mga kinakailangang hakbang para magkaroon na ng oil reserve ang bansa.


Sa ginanap na pagdinig ng komite, sinabi ni Tulfo na naghihintay na lamang ang ibang mga bansa tulad ng United Arab Emirates (UAE), Saudi Arabia, at Japan ng go signal mula sa pamahalaan para mapondohan at maipatayo na ang oil reserve facility.


"Dapat nating patatagin ang energy security ng ating bansa. Dahil dito, dapat padaliin ng ating gobyerno ang mga hakbang at proseso para sa mga permits at pag-aapruba upang maengganyo ang mga major international oil producers na magtayo ng kanilang mga reserba rito", pahayag ni Tulfo.


Aniya pa, mismong ang UAE ay malaki ang pagnanais at interes na magtayo ng kanilang oil depot sa Pilipinas at itatayo nila ito gamit ang kanilang budget pero tayo naman ang makikinabang dito.


"Ipinahayag ng UAE na napakalaki ng kanilang kagustuhan at interes na magtayo ng kanilang oil depot dito. Sinabi nila na itatayo nila ito gamit ang sarili nilang badyet, ngunit tayo ang tiyak na makikinabang dito", ani Tulfo.


Tiniyak naman ni PNOC Deputy Manager Antonio Buenviaje sa Senado na bago sumapit ang 2027 ay handa na ang pagpapatayo ng mga pasilidad.


Mayroon na aniyang mga pagsisikap ang ahensya para maisakatapuran na ang Philippine Oil Reserve.


Sinabi naman ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Dino Abad na mayroon na rin silang binuong Philippine Strategic Petroleum Reserve (SPR) Team, isang task force na makikipag-ugnayan sa mga bansang nagpapanukalang magtayo ng oil depot sa Pilipinas.

bottom of page