top of page

Senado, tiniyak ang pondo para sa mga railway project kasabay ng pag-inspeksyon nina Sen. Ejercito at Sec. Lopez

Sari Story

September 20, 2026 at 5:48:53 AM

Larawan ni Sen. JV Ejercito at mga opisyal ng DOTr

Ininspeksyon nina Senator Joseph Victor “JV” Ejercito at acting Transportation Secretary Banoy Lopez ang konstruksyon ng subway project nitong Huwebes.

Senator JV Ejercito / Facebook

MAYNILA — Tiniyak ng Senado ang patuloy na pagbibigay ng pondo sa malalaking railway project ng pamahalaan kasabay ng pag-iinspeksyon nina Senate Finance Committee Chair Senator Joseph Victor “JV” Ejercito at acting Transportation Secretary Banoy Lopez nitong Huwebes ng kasalukuyang konstruksyon ng mga ito.


Isinagawa ang inspeksyon isang araw matapos pangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony para sa NAIA Station ng subway project. Iniutos ng Pangulo sa Department of Transportation (DOTr) na pabilisin ang konstruksyon ng mga railway project upang matiyak ang napapanahong pagkumpleto ng mga ito at mabawasan ang oras na ginugugol ng mga Pilipino sa araw-araw na pagko-commute.


Ayon kay Sen. Ejercito, nais niyang personal na makita ang North-South Commuter Railway (NSCR) at Metro Manila Subway Project (MMSP) upang matiyak na hindi na muling maaantala ang pagpopondo sa mga ito.


"Sana ngayon, tuloy-tuloy under my [finance chairmanship], that's why I wanted to see it for myself to make sure that the funding will not be disrupted anymore para no more delays (I hope it continues under my finance chairmanship, that is why I wanted to see it for myself to make sure that the funding will not be disrupted anymore so there are no more delays)," sabi ni Ejercito.


Sinabi ng senador na nais niyang maging operational sa lalong madaling panahon ang NSCR at subway upang magamit ito ng mga Pilipino, lalo na ang mga nakatira sa Metro Manila, Laguna, at Pampanga.


Tiniyak naman ni Lopez sa mga commuter na pinabibilis ng DOTr ang konstruksyon ng dalawang railway system upang makatipid sila ng oras at mapataas ang kanilang productivity.



"Now, we really need this kind of project, itong mga railway, itong subway, itong NSCR (Now, we really need this kind of project — these railways, this subway, this NSCR)," ani Lopez.


Binisita nila ang kasalukuyang konstruksyon ng West Valenzuela Station ng NSCR at ang Operations Control Center nito, ang MMSP depot at Quirino Station, gayundin ang Philippine Railway Institute (PRI).


Sinuri rin nila ang walong bagon na train set ng NSCR na kayang magsakay ng hindi bababa sa 2,200 pasahero bawat biyahe.


Pinopondohan ang dalawang proyekto ng Japan International Cooperation Agency (JICA).


Kapag ganap nang operational, ang 147-kilometrong NSCR, na may 35 istasyon, ay inaasahang magseserbisyo sa hindi bababa sa 800,000 pasahero araw-araw mula sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Luzon.


Samantala, sa 33-kilometrong MMSP, inaasahang makikinabang ang 519,000 pasahero, at mababawasan ang oras ng biyahe mula Valenzuela City patungong NAIA Terminal 3 sa 40 minuto, mula sa kasalukuyang isang oras at 10 minuto.


bottom of page