Sen. Mark Villar, hinikayat ang economic managers na suportahan ang pagtataas ng tax exemption ceiling
Sari Story
September 2, 2026 at 1:19:20 PM
MAYNILA — Hinikayat ni Senador Mark Villar ang economic managers ng pamahalaan na suportahan ang kanyang panukalang itaas ang annual personal income tax exemption ceiling, na magbibigay ng agarang kaluwagan sa gastusin ng mga manggagawa at makatutulong na pasiglahin ang household spending sa gitna ng paghina ng ekonomiya.
Sa kanyang pahayag sa Senate Committee on Finance briefing tungkol sa panukalang 2027 national budget, binigyang diin ni Villar na dapat isaalang-alang ang tax relief habang humihina ang consumer confidence at bumabagal ang paggastos ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2137 ni Villar, itataas ang annual income tax exemption ceiling mula ₱250,000 at gagawing ₱360,000. Kapag naisabatas, hindi na kailangang magbayad ng personal income tax ang mga manggagawang kumikita ng hanggang ₱30,000 kada buwan.
“Kung mababa ang government spending at humihina ang consumption, ang pagtataas ng income tax exemption ceiling ay magbibigay ng direkta at agarang ginhawa sa ating mga low- and middle-income workers,” sabi ni Villar.
“Sa halip na maghintay ng ayuda mula sa gobyerno, mananatili mismo sa kanilang bulsa ang pera para sa pagkain, kuryente, transportasyon, edukasyon at iba pang pangangailangan ng pamilya,” dagdag niya.
Sa budget briefing, kinilala ng economic managers na humina ang personal consumption, habang bumagsak naman ng mahigit 30 porsiyento ang public construction sa dalawang magkasunod na quarter. Kabilang sa kanilang tinukoy na mga dahilan na nagpapabigat sa paglago ng ekonomiya at pamumuhunan ay ang mataas na inflation, mababang consumer confidence at mga usapin sa gobyerno.
Inilarawan ni Villar ang panukalang pagbabago sa tax threshold bilang isang praktikal na economic stimulus.
“This serves as a form of pump-priming. While it may affect revenue collections, the money left uncollected will flow back into the economy through higher household consumption,” giit ni Villar.
Binigyang diin ng senador na layunin ng panukala na dagdagan at hindi palitan ang targeted cash subsidies para sa pinakamahihirap na pamilya, mga biktima ng kalamidad, at informal workers na hindi saklaw ng tax net.
Isiniwalat naman ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go na hiwalay na pinag-aaralan ng administrasyon ang pagtataas ng exemption ceiling sa ₱350,000.
Tinatayang magreresulta ito sa humigit-kumulang ₱60 bilyong foregone revenue. Gayunman, sinabi ni Go na maaaring mabawi ang tinatayang 15 porsiyento ng mawawalang kita sa buwis sa pamamagitan ng mga buwis na malilikom mula sa pagtaas ng consumer spending.
Para naman kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, huling nagkaroon ng malaking adjustment sa personal income tax brackets noong 2018, na ibig sabihin, seryosong tumaas ang tax burden ng mga wage earner dahil sa inflation nitong mga nakalipas na taon.
Inilarawan ni Villar ang kanyang panukala bilang kinakailangang inflationary adjustment na makapagbibigay ng agarang tulong nang hindi dumaraan sa red tape.
“When the government collects taxes, it must redistribute those funds through programs. But if government spending is sluggish, it is more efficient to let workers keep their hard-earned money,” sabi ni Villar.
“It goes straight to employees—no lengthy applications, distribution costs, or bureaucratic inefficiencies,” aniya pa.
Hinimok ni Villar ang Department of Finance at iba pang katuwang na economic agencies na timbangin ang posibleng panandaliang epekto ng panukala sa koleksyon ng buwis laban sa mas malawak na benepisyong pang-ekonomiya at panlipunan ng pagbibigay ng dagdag na kakayahang gumastos sa milyun-milyong Pilipinong manggagawa.

