Seguridad sa enerhiya ng PH inaasahang lalakas sa Malampaya Phase 4, ayon kay President Marcos
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 5, 2026 at 9:45:48 AM
Nagpahayag ng kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatutulong ang Malampaya Phase 4 (MP4) Project na palakasin ang seguridad sa enerhiya ng Pilipinas at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na petrolyo. Pinangunahan niya ang seremonyal na unang pagpapadaloy ng gas para sa proyekto sa Malampaya Onshore Gas Plant sa Batangas City nitong Huwebes, Nobyembre 5.
Itinuturing na mahalagang hakbang ang pagpapadaloy ng gas sa pagsisikap ng bansa na palawakin ang lokal na produksyon ng natural gas at matiyak ang mas maaasahang suplay ng enerhiya.
Ayon kay Marcos, makatutulong ang pagpapataas ng paggamit ng natural gas mula sa Malampaya field upang mapatatag ang singil sa kuryente at mabawasan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.
Binanggit niya na nananatiling bulnerable ang Pilipinas sa mga tensiyong geopolitical, pagkaantala sa suplay at pagbabago ng presyo sa pandaigdigang merkado ng enerhiya. Binigyang-diin niya ang pangangailangang higit pang paunlarin ang mga lokal na pinagkukunan ng enerhiya.
Sa patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa kuryente kasabay ng paglago ng ekonomiya, sinabi ni Marcos na nagsasagawa ang pamahalaan ng mga hakbang upang palakasin ang lokal na produksyon ng enerhiya at mabawasan ang pagdepende sa inaangkat na petrolyo.
Kabilang sa Malampaya Phase 4 Project ang pagbabarena at pagkumpleto sa dalawang bagong balon na Malampaya East-1 at Camago-3, gayundin ang paglalagay ng karagdagang imprastraktura sa ilalim ng dagat na ikokonekta sa kasalukuyang sistema ng produksyon, ayon sa ulat ng Philippine News Agency (PNA).
Tinatayang may laman na 222 bilyong cubic feet ng natural gas ang dalawang balon, na inaasahang makatutulong upang magpatuloy ang produksyon mula sa Malampaya gas field hanggang bandang 2034, batay sa ulat.
Sinabi ni Marcos na ipinakikita ng proyekto ang mga pakinabang ng patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang matugunan ang pangmatagalang pangangailangan ng bansa sa enerhiya.
Binanggit din niya ang mga nagpapatuloy na hakbang upang palakasin ang eksplorasyon ng enerhiya, kabilang ang paggawad ng 14 petroleum service contract na sumasaklaw sa langis, natural gas at likas na hydrogen resources.
Itinuro rin ng Pangulo ang mga insentibo ng pamahalaan para sa mga proyektong eksplorasyon sa mga hindi pa napauunlad at malalayong lugar, gayundin ang Philippine Gradiometry and Seismic Survey Project na naglalayong tukuyin ang mga posibleng lokasyon para sa mga susunod na proyektong pangkaunlaran sa enerhiya.
Binigyang-diin din ni Marcos ang Philippine Natural Gas Industry Development Act, na nagbibigay-prayoridad sa paggamit ng lokal na natural gas ng mga planta ng kuryenteng gumagamit ng gas bilang bahagi ng mas malawak na estratehiya ng bansa sa enerhiya.
—Paraluman News, batay sa ulat ni Ruth Abbey Carlos/Philippine News Agency

