Pilipinas, isinusulong ang mas matibay na kooperasyon ng ASEAN sa pagbabawas ng basura at resource recovery
Sari Story
September 16, 2026 at 2:30:35 AM
Kasabay ng pagho-host ng Pilipinas ngayong buwan ng ASEAN dialiogue tungkol sa circular economy, isusulong ng bansa ang mas matibay na kooperasyon sa rehiyon sa pagbabawas ng basura at muling paggamit ng mga materyales na maaari pang mapakinabangan.
Magtitipon sa Makati sa Setyembre 22 at 23 ang mga policymaker, kinatawan ng industriya at civil society para sa ASEAN Regional Dialogue on Circular Economy (ARDCE) sa ilalim ng 2026 ASEAN Chairship ng Pilipinas.
Tatalakayin ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang mga paraan para lumayo sa sistemang “take-make-dispose” at gumamit ng mga pamamaraang magpapanatili sa mas mahabang panahon ng paggamit ng mga materyales sa pamamagitan ng muling paggamit, pagre-recycle at episyenteng paggamit ng resources.
Sa nauna niyang pahayag, binigyang-diin ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Juan Miguel Cuna ang pangangailangan para sa pangmatagalang solusyon na nakaayon sa ASEAN Framework for Circular Economy, ASEAN Sustainable Consumption and Production Framework at ASEAN Regional Action Plan on Marine Debris.
“Dapat ding tugunan ng mga pangmatagalang solusyon ang problema sa pinagmumulan nito at palakasin ang mga hakbang na makapipigil sa paulit-ulit na maling paggamit sa likas na yaman (Long-term solutions must also address the problem at its source and strengthen measures that can discourage repeated abuse of natural resources),” ani Cuna, habang binanggit ang waste management framework ng bansa sa ilalim ng Extended Producer Responsibility (EPR) Act at iba pang policy instrument.
Kabilang sa agenda ng pulong ang mga pambansang polisiya sa circular economy, papel ng mga lokal na pamahalaan, EPR, at mga mekanismo sa financing at merkado na maaaring makatulong sa mga negosyo at komunidad sa paglipat sa circular economy.
Bibigyang-diin din ng Pilipinas ang pangangailangang isama ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) at mga informal waste worker sa pagbuo ng mas organisado at mas malawak na sistema ng circular economy.
Aniya, maaaring magresulta ang regional effort sa mas malinis na mga komunidad, mas maraming oportunidad sa kabuhayan sa recycling at resource recovery, at mas matibay na suporta para sa mga informal waste worker na kasalukuyan nang nagsasagawa ng mga naturang aktibidad.
“Dahil hindi humihinto sa mga hangganan ang basura at polusyon, kailangang sama-sama ang pagtugon ng rehiyon, at idinisenyo ang Dialogue para gawing mga partnership at investment na maaaring isagawa ng mga miyembrong bansa ang magkakasamang pangangailangang ito (Because waste and pollution do not stop at borders, the region's response has to be shared, and the Dialogue is designed to turn that shared urgency into partnerships and investments member states can act on),” dagdag nito.
Magpo-produce ang dalawang araw na dayalogo ng ASEAN Chair’s Summary on Circular Economy Policy and Implementation na maglalaman ng mahahalagang mensahe sa polisiya at mga rekomendasyon.
Ihahain ang summary sa ASEAN Circular Economy Forum sa Oktubre at magsisilbing ambag sa mga talakayan patungo sa 49th ASEAN Summit sa Maynila sa Nobyembre.
Kabilang sa ASEAN ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Pilipinas, Thailand, Timor-Leste at Vietnam.

