PH stocks, piso sumadsad sa gitna ng tumitinding pangamba sa paglago ng ekonomiya
Sandra Samala-Salem
September 25, 2026 at 12:07:37 PM
Bumagsak sa pinakamababang antas ngayong taon ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) nitong Huwebes, habang humina naman ang piso laban sa dolyar kasunod ng pagbaba ng mga forecast sa paglago ng ekonomiya ng bansa. Bumaba ng 1.12 porsiyento ang pangunahing index ng lokal na stock market sa 5,730.02 puntos, habang lumiit naman ng 1.10 porsiyento ang All Shares index sa 3,210.72 puntos.
Ayon kay Luis Limlingan, head of sales ng Regina Capital Development Corp., bunsod ng matinding selling pressure ang pagbaba ng PSEi.
“Lalo pang humina ang sentimyento sa merkado matapos makabuluhang ibaba ng S&P Global Ratings at Asian Development Bank o ADB ang kanilang pagtataya sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon (Market sentiment weakened further after S&P Global Ratings and the ADB (Asian Development Bank) sharply downgraded their Philippine growth forecasts for the year),” ani Limlingan
Sinabi ni Limlingan na lalo pang humina ang market sentiment matapos ibaba ng S&P Global Ratings at Asian Development Bank o ADB ang kanilang mga pagtataya sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon.
Noong Miyerkules, ibinaba ng ADB ang growth forecast nito para sa Pilipinas ngayong 2026 mula 3.8 porsiyento sa 3.3 porsiyento.
Kabilang sa mga dahilan ang humihigpit na kondisyon sa pandaigdigang ekonomiya, inaasahang malakas na El Niño sa huling bahagi ng taon, at mga problemang may kaugnayan sa enerhiya dahil sa krisis sa Middle East.
Samantala, ibinaba naman ng S&P ang projection nito mula 4.1 porsiyento sa 2.9 porsiyento, dahil sa mas mabagal na domestic output sa unang kalahati ng taon.
Sinabi ni Limlingan na ang mga pagbabagong ito ay “nagpalala sa mga pangamba sa bilis ng pagbangon ng lokal na merkado (added to concerns over the pace of the local market recovery).”
Holding Firms lamang ang nagtala ng pagtaas sa araw ng kalakalan, na umakyat ng 0.43 porsiyento.
Pinakamalaki naman ang ibinagsak ng Mining and Oil sector na nasa 3.79 porsiyento, sinundan ng Industrial sa 1.65 porsiyento, Services sa 1.52 porsiyento, Financials sa 1.33 porsiyento, at Property sa 1.15 porsiyento.
Nanatiling mababa ang trading volume, kung saan 863.67 milyong shares ang nagpalitan ng kamay na may kabuuang halaga na halos 5.1 bilyong piso.
Mas marami ang bumagsak na stocks kaysa sa mga tumaas, 131 laban sa 61, habang 57 stocks naman ang hindi nagbago.
Samantala, nagsara ang piso sa 62.73 kontra US dollar, mas mahina kumpara sa 62.58 noong nakaraang trading session.
Nagbukas ang piso sa 62.70 at naglaro sa pagitan ng 62.70 at 62.79. Umabot naman sa 62.75 ang daily average rate.
Umabot sa US$1.14 bilyon ang trading volume, mas mababa kumpara sa US$1.64 bilyon noong nakaraang araw.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort, inaasahang gagalaw ang piso sa pagitan ng 62.60 at 62.80 kada US dollar sa Biyernes.

