Pandora, nagbukas ng bagong pabrika sa Vietnam para palawakin ang produksyon
Sandra Samala-Salem
October 1, 2026 at 4:28:41 PM
Binuksan noong Huwebes ng Danish jewellery maker na Pandora ang $150-milyong pabrika nito sa Ho Chi Minh City, ang pinakamalaki nitong manufacturing facility at unang production site sa labas ng Thailand, bilang bahagi ng hakbang nitong pag-iba-ibahin ang manufacturing footprint at palakasin ang supply-chain resilience.
Ang pabrika sa Vietnam, ang ikaapat ng Pandora sa buong mundo, ay magpapataas ng kabuuang production capacity ng kumpanya ng humigit-kumulang 50% at inaasahang magkakaroon ng 7,000 manggagawa kapag ganap nang operational.
Nakabenta ang kumpanya ng 112 milyong piraso ng alahas noong 2025 at hanggang ngayon ay sa Thailand lamang ginagawa ang lahat ng produkto nito, kung saan mayroon itong tatlong pabrika.
Sa opening ceremony, kasama ng mga opisyal ng Vietnam si Pandora CEO Berta de Pablos-Barbier sa paghila sa isang mahabang pink ribbon upang ilantad ang unang piraso ng alahas na ginawa sa Vietnam.
Ayon sa Pandora, ang pabrika, na tinawag nitong pinakamalaking fine jewellery crafting facility sa mundo, ay kayang gumawa ng hanggang 60 milyong piraso ng alahas kada taon.
“Sa simula, nasa 15% ng ating global capacity ang Vietnam, pero kapag umabot na tayo sa full capacity pagsapit ng 2030, magiging isang-katlo ito ng ating kabuuang capacity (To start with, Vietnam will be around 15% of our global capacity, but when we are at full capacity by 2030, it will be a third of our total capacity),” sinabi ni De Pablos-Barbier sa Reuters.
“Binubuo namin ang pasilidad na ito para sa susunod na dekada, hindi para sa susunod na quarter… Kapag may volatility, nakatuon kami sa operational efficiencies at integration sa buong negosyo (We're building this facility for the next decade, not the next quarter... When volatility happens, we focus on operational efficiencies and integration across the business),” ani niya nang tanungin tungkol sa mga kawalan ng katiyakan na may kaugnayan sa kalakalan, kabilang ang posibilidad ng mas mataas na taripa ng US sa mga produktong gawa sa Vietnam.
Ang Pandora, ang pinakamalaking jewellery brand sa mundo batay sa dami ng binebentang produkto, ay nagbebenta ng silver charm bracelets na nagsisimula sa $80. Kamakailan ay iniulat ng kumpanya ang mahinang consumer demand mula sa United States, ang pinakamalaking market nito.
Itinayo ang pabrika sa 7.5-hectare (18.5-acre) na lugar sa business at manufacturing hub na Ho Chi Minh City, na direktang katapat ng pabrika ng kapwa Danish company na Lego.
Susuportahan nito ang demand mula sa pandaigdigang negosyo ng Pandora sa halip na magsilbi sa mga partikular na export market.
Sinabi ni De Pablos-Barbier, na nanungkulan noong Enero 1, na namukod-tangi ang Vietnam sa mga potensyal na lokasyon dahil sa skilled workforce nito, matagal nang tradisyon sa paggawa ng alahas, matibay na imprastraktura at suportadong business environment.
Sa production floor, karamihan sa mga Vietnamese worker na nasa kanilang 20s at 30s ay nagpapatakbo ng mga grinding machine at nag-iinspeksyon ng mga colored stone bago dalhin ng maliliit na pink robot ang mga ito sa production line.
Magiging mahalagang bahagi rin ang pabrika sa plano ng kumpanya na palawakin ang produksyon ng platinum-plated jewellery habang lumalayo ito sa tradisyonal nitong pagtutok sa silver at binabawasan ang exposure nito sa malalaking pagbabago sa presyo ng silver sa merkado.
Nakamit ng pasilidad ang LEED Gold certification at eksklusibong gagamit ng renewable electricity. Lahat ng silver at gold na gagamitin sa site ay ire-recycle, habang pinag-aaralan ng kumpanya ang iba pang renewable energy options, kabilang ang pagbuo ng solar power sa mismong lugar at posibleng pakikipagtulungan para sa isang solar farm.

