Pag-amyenda sa oil deregulation law, itinutulak ni Sen. Erwin Tulfo
Sari Story
September 2, 2026 at 8:36:04 AM
Muling nanawagan si Senador Erwin Tulfo na amyendahan ang Downstream Oil Industry Deregulation Act, upang palakasin ang oversight ng pamahalaan at matiyak ang transparency sa presyo ng mga kompanya ng langis, kasabay ng pagtaas ng presyo ng krudo at iba pang pangunahing bilihin.
Iginiit ito ni Tulfo, na chairman ng Senate Committee on Energy, matapos ang panibagong mga pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel kamakailan, na nagbunsod naman ng inflation noong Agosto na lampas sa target range ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa ilalim ng kaniyang panukala, bibigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang Department of Energy (DOE) para malalimang masuri ang mga mekanismo ng pagtatakda ng presyo ng mga oil company, para mapigilan ang tinawag ni Tulfo na arbitraryong price adjustments.
“The oil companies will just say, ‘Tomorrow, we will increase prices by 5 pesos per liter,’ and we have no choice but to pay,” ani Tulfo.
“We will strengthen the powers of the DOE over these companies. No more arbitrary price shocks—they will have to explain their price increases,” dagdag niya.
Sinabi ng senador na matagal nang inirereklamo ng mga transport group ang tinatawag na asymmetric pricing, kung saan mabilis na tumataas ang presyo ng langis sa mga gasolinahan kapag tumataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, ngunit mabagal naman ang rollback kapag bumababa ang presyo nito sa international market.
Ayon kay Tulfo, makatutulong ang mas malaking transparency para mas maunawaan ng mga consumer kung paano nakakaapekto sa lokal na presyo ng gasolina ang pagbabago sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kinuwestiyon din ni Tulfo ang kasalukuyang batas na aniya ay luma na, at inihambing ito sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Ayon sa senador, kapwa umano may mga probisyon ang dalawang polisiya na naglilipat ng malaking bahagi ng operational burden sa mga ordinaryong consumer.
“Because of these outdated laws, system losses are being charged to the consumer. Electric companies know they need to upgrade their systems, but they let them deteriorate because they can easily pass those loss fees to the public,” sabi ni Tulfo.
Bilang tugon naman sa mga kritiko na nagsasabing maaaring maliit lamang ang maging epekto sa presyo kung maaamyendahan ang batas, iginiit ni Tulfo na mahalaga pa rin kahit ang bahagyang pagbaba ng presyo, lalo na para sa mga pamilyang patuloy na nahihirapan sa mataas na cost of living.
“What matters is the principle. You cannot just sit idly and let ordinary Filipinos pay for services they did not benefit from, or buy fuel without understanding how it was priced,” giit ng senador.

