Mga stock sa Asya, bumagsak habang mataas ang presyo ng langis at bond yields
Sari Story
August 31, 2026 at 3:59:28 PM
SYDNEY – Bumagsak ang mga share market sa Asya nitong Lunes matapos muling sumiklab ang sigalot sa pagitan ng United States at Iran, na nagpaangat sa presyo ng langis. Nanatili namang mataas ang bond yields matapos lumiit ang posibilidad na magbawas ng interest rates ang US Federal Reserve.
Umakyat ng 1.4% sa $89.38 kada bariles ang Brent futures matapos bombahin ng mga puwersa ng US ang dalawang missile launcher ng Iran sa isla ng Larak nitong Linggo. Bilang tugon, inatake naman ng Iran ang mga puwersa ng US na nakatalaga sa Jordan, ayon sa Fox News.
Dahil sa banta nito sa inflation, nanatiling aligaga ang bond markets matapos idiin ni Federal Reserve Chair Kevin Warsh nitong Biyernes na kailangan pang gumawa ng hakbang ang central bank upang makontrol ang inflation.
Dahil dito, itinaas ng mga market ang posibilidad ng interest rate hike sa Setyembre sa 57%, na nagpaangat nang malaki sa short-term Treasury yields at nagpa-flat sa yield curve.
“Patuloy naming inaasahan na hindi magkakaroon ng hike hanggang Disyembre, bagama't aminado kaming posible ang isang hike sa September meeting,” ayon kay Michael Feroli, chief US economist ng JPMorgan.
“Bukod dito, anuman ang eksaktong timing ng mga hike, ipinahiwatig ng talumpati ni Warsh na mas handa ang chair na isalin ang kanyang pangamba sa inflation tungo sa paghihigpit ng monetary policy.”
Mahalaga sa posibilidad ng mas maagang rate hike ang magiging resulta ng August payrolls report na ilalabas sa Biyernes at consumer price data na nakatakdang ilabas sa Setyembre 11.
Tinataya ng mga analyst na madaragdagan ng 58,000 ang mga trabaho, kasunod ng biglaang pagbaba ng 23,000 noong Hulyo, habang inaasahang mananatili sa 4.1% ang unemployment rate. Kakailanganin umano ng mas mahina pang resulta upang lubhang mabawasan ang posibilidad ng rate hike sa Setyembre.
Inaasahang itataas muli ng central bank ng New Zealand ang interest rates sa Miyerkules dahil sa banta ng inflation. Samantala, inaasahang pananatilihin naman ng Bank of Canada ang kasalukuyang interest rates dahil sa posibleng epekto sa ekonomiya ng trade war sa US.
Dahil sa mas mataas na yields at geopolitical tensions, bumagsak ng 2.1% ang Nikkei ng Japan, habang lumiit ng 2.4% ang South Korean stocks. Bumaba rin ng 0.7% ang pinakamalawak na index ng Asia-Pacific shares ng MSCI, hindi kabilang ang Japan.
Sa Europe, bumagsak ng 0.5% ang EUROSTOXX 50 futures, habang bahagyang lumiit ng 0.4% ang DAX futures. Sa Wall Street, bumaba ng 0.3% ang S&P 500 futures at 0.5% naman ang Nasdaq futures.
DOLLAR MULING LUMAMPAS SA 160 YEN
Nangunguna sa agenda ng G20 finance ministers at central bankers na magpupulong sa North Carolina ngayong Lunes at Martes ang inflation at interest rates.
Sa isang panayam sa Reuters nitong Linggo, sinabi ni US Treasury Secretary Scott Bessent na plano niyang makipagkita sa pinuno ng Bank of Japan, kasunod ng mga espekulasyong magtataas din ito ng interest rates sa Setyembre.
Ayon sa mga analyst, kailangan ang serye ng rate hikes upang suportahan ang yen, na muling lumampas sa 160 yen kada dolyar noong Biyernes.
Nang tanungin tungkol sa yen, sinabi ni Bessent na ang galaw nito ay “pretty well contained,” na nagpapahiwatig na hindi pa sapat ang paghina nito upang mangailangan ng panibagong magkasanib na intervention ng Japan at US.
Nanatili sa 160.00 yen ang halaga ng dolyar, na malayo pa rin sa July high nitong 163.99.
Nanatili rin sa 4.36% ang two-year Treasury yields matapos umakyat nang halos 12 basis points noong Biyernes. Mas kontrolado naman ang 30-year bond yields sa 5.2080%, habang nakakuha ng kaunting kumpiyansa ang mga investor sa pahayag ni Warsh tungkol sa paglaban sa inflation.
Bahagyang lumakas ang euro sa $1.1591 matapos bumagsak ng 0.6% noong Biyernes kasunod ng talumpati ni Warsh.
Inaasahang magbibigay-linaw ang inflation data mula sa European Union na ilalabas ngayong linggo sa market expectations para sa panibagong rate hike ng European Central Bank sa pulong nito sa Setyembre 10.
Sa commodity markets, umakyat ng 1.3% sa $84.50 kada bariles ang US crude. Bahagyang tumaas naman ang presyo ng ginto sa $4,454 kada ounce matapos bumagsak ng 3.2% noong Biyernes dahil sa pagtaas ng bond yields.

