top of page

Mga namumuhunan, naghahanda sa posibleng gridlock matapos makuha ng mga Democrat ang kontrol sa Kongreso, na isang hamon kay Trump

Lewis Krauskopf / Suzanne McGee / Gregor Stuart Hunter; Isinalin ng Sari Story Network

November 5, 2026 at 4:13:59 AM

Larawan ng US Department of the Treasury

Tanggapan ng US Department of the Treasury sa Washington, D.C. sa Amerika. Kuha ito noong Hulyo 11, 2026.

REUTERS / Daniel Heuer / File Photo

Taas-baba ang global stocks nitong Miyerkules habang tinitingnan ng mga namumuhunan ang posibilidad ng mas mahigpit na regulasyon, mas mataas na buwis, at mas masusing pagbabantay sa mga sektor gaya ng artificial intelligence (AI) at cryptocurrencies, matapos makuha ng Democratic Party ang kontrol sa dalawang kapulungan ng Kongreso ng Estados Unidos sa midterm elections.


Matapos manalo ang mga Democrat sa Senado at House of Representatives sa botohan nitong Martes, nakita ng mga merkado ang posibilidad ng legislative gridlock o hindi pag-usad ng pagpasa ng mga batas dahil sa posibleng hindi pagkakasundo ng administrasyon ni US President Donald Trump at ng bagong halal na Kongreso na kontrolado ng mga Democrat.


Gayunman, maaaring magkaroon ng malawak na epekto ang resulta ng halalan sa mga sektor na sensitibo sa galaw ng merkado, kabilang ang pagpapalawak ng mga data center para sa AI, kalagayang pinansyal ng US, gastusin sa depensa, at mga regulasyon sa healthcare, banking, at cryptocurrencies.


Maaaring masusing busisiin ng Kongresong pinamumunuan ng mga Democrat ang mga kompanya ng AI, lalo na dahil dumarami ang mga tumututol sa pagtatayo ng mga data center. Maaari itong maging banta sa merkadong nakinabang sa malalaking pamumuhunan sa sektor na ito.


Bagama't maliit ang posibilidad na makapasa ang mga panukalang batas na lubhang makaaapekto sa pagpapalawak ng mga data center, inaasahan ng mga analyst na magsasagawa ang mga Democrat ng mga imbestigasyon sa sektor ng teknolohiya kasunod ng kanilang pagkapanalo.


Nauna nang ipinakita sa mga opinion survey na malaki ang posibilidad na makuha ng mga Democrat ang mayorya sa House of Representatives, ngunit hindi pa tiyak ang magiging resulta sa Senado. Kontrolado ng Republican Party ni Trump ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa unang dalawang taon ng kanyang ikalawang termino.


"Mayroon pa ring ilang larangan kung saan maaaring maimpluwensiyahan ni Pangulong Trump ang mga merkado — kabilang ang kalakalan at mga taripa, patakarang panlabas, at mga umiiral na regulasyon (There's still a number of areas where President Trump can influence the markets - trade and tariffs, foreign policy, and existing regulations),” ayon kay Tai Hui, chief market strategist para sa Asia-Pacific ng J.P. Morgan Asset Management sa Hong Kong.


Gayunman, sinabi niyang kahit pa magkatotoo ang tinatawag na "blue wave" o malawakang pagkapanalo ng mga Democrat, malabong makuha nila ang dalawang-katlong supermajority na kailangan upang mapawalang-bisa ang veto power ni Trump.


"Iyan ang isa sa mga magiging pangunahing hadlang sa natitirang dalawang taon ng termino ni Pangulong Donald Trump (That will be one of the sticking points for the remaining two years of President Donald Trump's term),” saad ni Hui.


MGA PAMUMUHUNAN SA AI, NAKARANAS NG PABAGU-BAGONG GALAW


Bumagsak ang stock index futures nang magsimulang lumabas ang mga resulta ng halalan, ngunit nabawasan ang pagkalugi pagsapit ng Miyerkules. Bumaba nang 0.5% ang S&P 500 futures EScv1 at 0.8% naman ang Nasdaq futures NQcv1. Bumaba rin nang 0.2% ang US dollar index =USD, na sumusukat sa lakas ng dolyar laban sa anim na iba pang pangunahing currency, sa pinakamababang antas nito sa loob ng isang buwan na 101.51. MKTS/GLOB


Sinubaybayan din ng mga namumuhunan ang mga lokal na halalan dahil sa posibleng epekto ng mga ito sa pagpapalawak ng AI infrastructure sa mga estado gaya ng Texas. Nanalo sa senatorial race sa Texas ang Democrat na si James Talarico, habang tinalo naman ni Democrat Gina Hinojosa ang Republican incumbent na si Greg Abbott sa karera para sa pagka-gobernador.


Nagwagi rin sina Democrats Keisha Lance Bottoms at Jon Ossoff sa Georgia bilang gobernador at senador, ayon sa pagkakasunod.


"Halos sangkatlo ng kabuuang paggastos at mga proyekto para sa AI data centers ay nagmumula sa dalawang estadong iyon (Those two states effectively make up about a third of all AI data center spend and projects),” ayon kay Tapas Strickland, chief market strategist ng Moomoo ANZ sa Sydney.

"Malaki ang posibilidad na bumagal ang mga proyektong ito, at malinaw na magkakaroon iyon ng epekto sa iba pang bahagi ng sektor ng AI (The potential for it to slow is very much there, and that would obviously cascade through to the rest of the AI sector),” giit niya.


"Sa palagay ko, hindi nito tuluyang mapatitigil ang buong industriya ng AI, ngunit maaari nitong pabagalin ang pag-unlad nito (I don’t think it necessarily stops the whole AI train, but it does slow it down),” dagdag pa niya.


MGA SUPPLIER SA ASYA, NAKARANAS NG PABAGU-BAGONG GALAW


Sa kalakalan sa Asya, nagsimulang bumili ang ilang namumuhunan pagsapit ng hapon upang samantalahin ang mas mababang presyo ng mga stock.


Bumagsak nang hanggang 15% ang shares ng Japanese memory chipmaker na Kioxia Holdings 285A.T, habang bumagsak naman nang 10% ang shares ng AI investor na SoftBank Group 9984.T. Gayunman, kapwa nabawasan ang kanilang pagkalugi sa bandang huli.


"Limitado lamang ang magiging pagbaba ng mga stock ng AI sa Japan dahil mura na ang kanilang mga presyo (The declines in Japanese AI stocks will be limited as they have become cheap),” ayon kay Kazunori Tatebe, chief strategist ng Daiwa Asset Management sa Tokyo.


"Matatag ang kanilang kinikita at itinaas pa nila ang kanilang earnings per share sa kabila ng pagbaba ng presyo ng kanilang mga shares (Their earnings are solid, and they have revised up their earnings per share while share prices are down),” dagdag niya.


Sa China, tumaas nang 3.5% ang CSI New Energy Index .CSI399808, habang sumirit naman nang 10% ang SSE Star 50 Index .STAR50 dahil sa pagtaas ng shares ng mga Chinese chipmaker.


Tumaas nang 0.1% ang pinakamalawak na index ng MSCI para sa mga shares sa Asia-Pacific maliban sa Japan .MISX00000PUS, matapos makabawi ang South Korean shares .KS11 mula sa pinakamalaking pagbaba nitong 4%. Kalaunan, umakyat ang mga ito nang 0.6%.


UGNAYANG PANGKALAKALAN


Mayroon pa ring kapangyarihan ang White House na magpatupad ng mga patakarang panlabas at magpataw ng mga taripa kahit walang pag-apruba ng Kongreso. Gayunman, nalimitahan ang ilang kapangyarihang ito dahil sa mga desisyon ng Supreme Court noong unang bahagi ng taon.


"Para sa mga bansang gaya ng India na nakikipagnegosasyon pa rin sa Estados Unidos tungkol sa mga kasunduan sa kalakalan, maaaring hikayatin ng resulta ng midterm elections ang mga ito na maghintay at obserbahan muna ang sitwasyon habang sinusuri ng kanilang mga pamahalaan ang posibleng epekto nito sa mas malawak na ugnayang pangkalakalan (For countries like India that are still negotiating trade deals with the United States, the midterm results could provide an incentive to adopt a wait-and-watch approach as governments assess the implications for broader trade relations),” ayon kay Dhiraj Nim, senior economist at FX strategist ng ANZ sa Mumbai.


Babantayan din ang ugnayan nina Trump at Chinese President Xi Jinping, lalo na't may ilang namumuhunang umaasang mananatili sa kasalukuyang estado ang relasyon ng dalawang bansa.


"Inilarawan ng ilan ang ugnayan ng US at China bilang hugis-L — bumagsak muna ito at pagkatapos ay nanatili sa mababang antas (Some have described the US-China relationship as 'L-shaped'- dropping down and then remaining flat along the bottom),” sabi ni Shan Weijian, executive chairman at co-founder ng PAG sa Hong Kong.


"Sumasang-ayon ako. Hindi ko inaasahang magkakaroon ng malaking pagbuti o paglala sa kanilang relasyon (I agree. I don't think the relationship will either improve or deteriorate significantly),” saad pa niya.


MGA DIGITAL ASSET, HAHARAP SA BAGONG SITWASYON


Bumaba rin ang halaga ng mga cryptocurrency. Bumagsak nang hanggang 2.79% ang Bitcoin BTC= sa 75,666.11 dolyar, habang bumaba naman nang 1.9% ang Ether ETH= sa 2,248.65 dolyar. Gayunman, nakabawi ang mga ito at halos hindi nagbago ang presyo pagsapit ng huling bahagi ng araw.


"Bagama't inaasahan na ng karamihan ang pagkapanalo ng mga Democrat, mahalaga rin ang laki ng kanilang lamang (While the Democratic sweep was consensus leading in, the magnitude of the margin likely matters),” saad ni Nick Ferres, chief investment officer ng Vantage Point Asset Management sa Singapore.


"Ang panganib ay nagmumula sa posibilidad ng mas mahigpit na regulasyon sa sektor ng AI at cryptocurrency (The risk is around greater regulation of the AI and crypto complex),” dagdag niya.


Isa sa mga malaking dagok para sa mga tagasuporta ng cryptocurrency ang pagbabalik sa Senado ni Democrat Sherrod Brown, na nagwagi sa special US Senate election sa Ohio nitong Martes, dalawang taon matapos siyang matalo sa kaparehong puwesto.


Dating nagpahayag ng pagtutol si Brown sa impluwensiya ng industriya ng cryptocurrency sa Washington. Nagwagi siya sa kabila ng pagsisikap ng Fairshake, isang political action committee (PAC) na sumusuporta sa mga kandidatong pabor sa cryptocurrency at pinondohan ng Coinbase COIN.O, Ripple at iba pang kompanya. Gumastos ito ng 30 milyong dolyar upang tutulan ang kanyang pagkandidato.


MGA PANGAMBA SA KALAGAYANG PINANSYAL NG US


Nahaharap din ang mga namumuhunan sa posibilidad ng hindi pag-usad ng pagbuo ng mga batas dahil kontrolado na ng mga Democrat ang dalawang kapulungan ng Kongreso. Maaari nitong maantala ang mga negosasyon tungkol sa pambansang badyet at magpalala sa kalagayang pinansyal ng US, na dati nang nakaapekto sa presyo ng iba't ibang asset. Maaari rin nitong pabagalin ang sektor ng AI, na naging isa sa mga nagtutulak sa paglago ng ekonomiya ng bansa.


Bumaba nang 1.3 basis points ang yield ng 10-year US Treasury bond US10YT=TWEB sa 4.933%.


Ayon kay Alex Morris, founder ng F/m Investments, maaaring higit na pagtuunan ng pansin ng mga namumuhunan ang mga usaping pinansyal ng US sa mga susunod na linggo.


"At sa totoo lang, walang kandidato ang nangampanya gamit ang platapormang nagtataguyod ng responsableng pamamahala sa pananalapi ng pamahalaan (And frankly, no candidate ran on a platform of fiscal responsibility),” ani Morris.


bottom of page