top of page

Mga barkong dumaan sa Strait of Hormuz, bumaba sa 17, mula 37 noong nakaraang linggo — shipping data

Sari Story

September 22, 2026 at 4:02:03 AM

Larawan ng mga barko

FILE PHOTO: Mga barko sa Strait of Hormuz, na kita mula sa Musandam, Oman, nitong Setyembre 6, 2026.

Stringer / Reuters

SINGAPORE – Nasa 17 barkong may kargang mga kalakal ang dumaan sa Strait of Hormuz nitong weekend, ayon sa shipping data nitong Lunes. Higit sa doble itong mas mababa kumpara sa bilang na 37 barko noong nakaraang linggo, sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan bunsod ng sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.


Kapansin-pansin ang malaking pagbaba ng nakikitang maritime traffic sa Strait of Hormuz, na bago ang digmaan ay dinaraanan ng humigit-kumulang ikalimang bahagi ng suplay ng langis at liquefied natural gas (LNG) sa mundo.


Gayunman, patuloy na nagluluwas ng langis ang mga producer sa Middle East gamit ang mga tanker na naka-off ang transponder, kaya hindi nakikita sa tracking systems.


Sa mga barkong maaaring ma-track, limang barko ang lumabas sa Strait of Hormuz nitong Linggo, habang dalawa pang maliliit na oil tanker ang pumasok sa Gulf, ayon sa provisional data ng analytics firm na Kpler hanggang 0706 GMT.


Kabilang sa mga barkong lumabas ang very large crude carrier (VLCC) na Pinios, dalawang tanker na may kargang refined oil products, at dalawang walang lamang carrier para sa bulk goods at gas.


VLCC, NAGLILIPAT NG CRUDE OIL MALAPIT SA FUJAIRAH


Noong Lunes, naglipat ang Pinios ang tinatayang 2 milyong barrels ng Iraqi Basrah crude oil sa karagatan malapit sa Fujairah, United Arab Emirates, patungo sa isa pang VLCC na New Constant, na inaasahang tutungo sa China, ayon sa datos ng Kpler at LSEG.


Hindi agad tumugon sa mga kahilingan para sa komento ang Dynacom, na namamahala sa Pinios, at Associated Maritime Co HK Ltd., na manager naman ng New Constant.


Noong Sabado, walong barko, kabilang ang isang supertanker, ang lumabas sa Gulf na may kargang crude oil, agricultural at petroleum products, LNG, liquefied petroleum gas (LPG), at fertilizer. Isang napakalaking gas carrier at isang VLCC naman ang pumasok sa Gulf, ayon sa datos.


Ang Shandong Redwood LNG tanker, na may kargang isinakay mula sa Ras Laffan port sa Qatar, ay lumabas sa Strait of Hormuz noong Setyembre 19 at patungo sa Pakistan, ayon sa datos ng Kpler at LSEG.


Hindi rin agad tumugon sa kahilingan para sa komento ang manager nitong Shandong Marine Energy.

Bago nagsimula ang digmaang US-Israel laban sa Iran noong Pebrero 28, karaniwang dumaraan sa Strait of Hormuz ang humigit-kumulang 125 malalaking commercial vessel kada araw, kabilang ang mga tanker, gas carrier, bulk carrier at container vessel.


TUMATAAS ANG OIL EXPORTS NG SAUDI ARABIA


Dahil sa mga pag-atake ng Houthi sa East-West pipeline ng Saudi Aramco, isang mahalagang alternatibong ruta para sa pagbiyahe ng langis ng Saudi sa panahon ng digmaan sa Iran, napilitan umano ang state energy firm na dagdagan ang oil exports nito sa pamamagitan ng Strait of Hormuz ngayong buwan at sa susunod pa.


Ayon sa datos ng Kpler, 22 tanker, karamihan ay VLCC, na may kabuuang kargang 42 milyong barrels ng crude oil, ang lumabas sa Strait of Hormuz noong linggo ng Setyembre 13. Ang Saudi Arabia at Iraq ay parehong bumuo ng 43 porsiyento ng kabuuang volume.


Samantala, sa Bab el-Mandeb Strait sa katimugang bahagi ng Red Sea, 51 barko ang dumaan, kung saan 33 ang lumabas sa Strait nitong weekend. Kabilang dito ang isang Aframax-sized tanker na may kargang humigit-kumulang 700,000 barrels ng crude oil mula sa Saudi Arabia, ayon sa Kpler.


Mas mababa ito kumpara sa 57 barko na dumaan sa naturang Strait noong nakaraang weekend.


Wala ring nakitang oil loading mula sa Yanbu port ng Saudi Arabia, na matatagpuan sa Red Sea, mula noong Setyembre 16.


bottom of page