top of page

Mga Australian investor, interesado sa mga oportunidad sa enerhiya at imprastraktura sa Pilipinas

Sari Story

September 9, 2026 at 4:43:27 AM

Kuha mula sa official Facebook page ng Australia in the Philippines

Kuha mula sa official Facebook page ng Australia in the Philippines

Mula sa opisyal na Facebook page ng Australia sa Pilipinas

Nakatakdang tuklasin ng apat na nangungunang institutional investor mula sa Australia ang mga bagong oportunidad sa pamumuhunan sa enerhiya, imprastraktura at iba pang estratehikong sektor sa Pilipinas, ayon sa Australian Embassy sa Maynila nitong Martes.


Ayon sa embahada, magsasagawa ng business mission sa Maynila mula Setyembre 8 hanggang 9 ang mga senior representative mula sa AustralianSuper, IFM Investors, Macquarie Asset Management, Pentagreen Capital at Plenary Group, na may pinagsamang AUD1.4 trillion na assets under management.


Sinabi ni Australian Ambassador to the Philippines Marc Innes-Brown na bahagi ang pagbisita ng mas malawak na investment strategy ng Canberra sa Southeast Asia, na naglalayong magkaroon ng “malaking pagtaas” sa pamumuhunan ng Australia sa Pilipinas.


“May ambisyosong plano ang Pilipinas para sa imprastraktura, enerhiya at pagpapaunlad ng ekonomiya. Nais naming makitang mas maraming Australian investor ang magdadala ng kapital at kaalaman upang makatulong na maisakatuparan ang mga ambisyong ito (The Philippines has ambitious plans for infrastructure, energy and economic development. We want to see more Australian investors bringing capital and expertise to help turn those ambitions into reality),” aniya.


“Naganap ang pagbisita ngayong ika-80 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Australia at Pilipinas, at nais naming higit pang mapalakas ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa (The visit takes place during the 80th anniversary year of Australia-Philippines diplomatic relations, and we are looking towards an even more substantial economic relationship).”


Ayon sa embahada, makikipagpulong ang delegasyon sa mga lider ng negosyo sa Pilipinas, matataas na opisyal ng pamahalaan at mga pangunahing project sponsor upang tuklasin ang mga oportunidad nang pagpapalawak ng imprastraktura at transition sa malinis na enerhiya ng Pilipinas.


Ang mga investor, kabilang ang mga sinusuportahan sa pamamagitan ng AUD2-billion Southeast Asia Investment Financing Facility ng pamahalaan ng Australia, ay may malawak na pandaigdigang karanasan sa pagpopondo, pagpapaunlad at pamamahala ng malalaking proyekto sa imprastraktura, enerhiya at iba pang estratehikong asset, gayundin ng malaking pondong maaaring ilaan para sa pangmatagalang pamumuhunan.


bottom of page