top of page

IMF at World Bank, naglunsad ng balangkas para labanan ang cyber fraud

Devjyot Ghoshal / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 15, 2026 at 3:37:42 AM

Larawan na sumasalamin sa cyber fraud

Larawan mula sa Wix, na sumasalamin sa cyber fraud.

Steve A. Johnson / Reuters

BANGKOK — Naglabas ang International Monetary Fund (IMF) at World Bank nitong Miyerkules ng isang balangkas para labanan ang pandarayang isinasagawa sa pamamagitan ng internet at iba pang digital technology. Kasabay nito, binigyang-diin ng pamahalaan ng Thailand ang lumalaking pinsalang dulot ng mga online scam sa rehiyon.


Ang balangkas na tinawag na Bangkok Blueprint for Fraud-Resilient Financial Services ay naglalayong tulungan ang mga tagapagpatupad ng polisiya, regulator, institusyong pinansyal, at iba pang sektor na labanan ang digital fraud. Gayunman, hindi ito pormal na gabay sa polisiya ng IMF at World Bank.

“Naging pandaigdigang problema na ang pandarayang digital at mga scam (Digital fraud and scams have become a global problem),” sabi ni Thai Finance Minister Ekniti Nitithanprapas sa paglulunsad ng balangkas sa taunang pagpupulong ng IMF at World Bank sa Bangkok.


“Nagkakahalaga ito ng humigit-kumulang isang trilyong dolyar kada taon sa pandaigdigang ekonomiya, o katumbas ng tatlong porsiyento ng gross domestic product (GDP) (It has cost the world economy around $1 trillion annually, or 3% of GDP),” dagdag niya.


Sa rehiyon pa lamang ng Asia-Pacific, tinatayang hindi bababa sa 88 bilyong dolyar ang nakuha ng mga grupong sangkot sa scam mula sa mga mamamayan noong 2025, ayon sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC). Patuloy ding nagbabago at umuunlad ang mga estratehiya ng mga grupong kriminal na kumikilos sa iba't ibang bansa upang makaiwas sa mga awtoridad na nagpapatupad ng batas.


“Umabot sa 67 porsiyento ng kabuuang pagkalugi dahil sa pandaraya sa buong mundo noong 2024 ang naitala sa Asya (Asia accounted for 67% of global fraud losses in 2024),” ayon kay Bank of Thailand Governor Vitai Ratanakorn.


“Marami nang mahalagang karanasan ang rehiyon sa paglaban sa banta na ito, na nagbibigay ng mga praktikal na aral na maaaring iangkop ng bawat bansa sa sarili nitong sitwasyon (The region has accumulated valuable experience combating this threat, offering up practical lessons that countries can adapt to their own),” dagdag niya.


Ayon naman kay International Monetary Fund Managing Director Kristalina Georgieva, nagsisilbing banta ang paglaganap ng cyber fraud para mabaligtad ang mga naunang tagumpay ng digital finance. Sa pamamagitan ng digital finance, nagkaroon ng pagkakataon ang mga taong dati ay walang access sa mga serbisyong pinansyal na makagamit ng mga ito.


bottom of page