GATCHALIAN: P295-M commitment fees, nagastos sa mga delayed na proyekto ng DOTr
Sari Story
September 20, 2026 at 8:26:09 AM
Nasa halos P295 milyon ang commitment fees na naipon ng gobyerno para sa mga proyektong pang transportasyon na pinopondohan ng foreign loans ngunit naantala o hindi pa nakakakuha ng pautang, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Biyernes.
Inihayag ni Gatchalian ang isyu sa deliberasyon ng Senate finance subcommittee sa panukalang 2027 budget ng Department of Transportation (DOTr). Kinuwestiyon niya ang patuloy na pagbabayad ng mga bayarin para sa mga pautang na hindi pa naman lubos na nagagamit.
“Whether the project is on time or not, obligation na natin yan for them making the loan available to us. Itong P295 million, these are commitment fees that were incurred because na-delay ‘yung projects. Ganito kalaki yung nilabas natin pero ‘yung project hindi natin nare-realize,” ani Gatchalian.
Ang commitment fees ay mga singil ng nagpapautang kapalit ng pagpapanatiling available ng loan funds kahit hindi pa ito aktuwal na nahihiram o nagagamit ng gobyerno.
Batay sa datos hanggang Disyembre 2024, pinakamalaki ang commitment fee ng South Commuter Railway Project na nasa P91 milyon, sinundan ng Davao Public Transport Modernization Project (DPTMP) na humigit-kumulang P85 milyon.
Bahagi ang South Commuter Railway ng North-South Commuter Railway (NSCR) system na naantala nang isang taon dahil sa mga problema sa pagkuha ng right-of-way (ROW).
Samantala, 56 na buwan o higit apat na taon nang delayed ang DPTMP, kung saan pangunahing dahilan ang problema sa ROW acquisition, ayon kay DOTr Undersecretary Mark Pastor.
Itinuro rin ni Gatchalian ang apat na proyekto na kahit hindi pa gumagamit ng kanilang mga pautang ay nakapag-ipon na ng kabuuang P139,010,554.69 na commitment fees.
Kabilang dito ang ikalawang loan ng DPTMP mula sa Asian Development Bank, EDSA Greenways Project, Cebu Bus Rapid Transit Project (CBRTP), at Facility for Accelerating Studies for Infrastructure (Fast-Infra) project.
Hinimok ni Gatchalian ang DOTr na muling suriin ang mga proyektong pinopondohan ng foreign loans at alisin ang mga hindi na kinakailangan upang maiwasan ang karagdagang fees para sa mga pautang na nakalaan sa mga proyektong hindi pa sapat ang paghahanda o mabagal ang progreso.
Kasabay nito, target ng gobyerno na palawakin nang malaki ang gastusin para sa transportasyon sa 2027, kung saan umaabot sa P300.96 bilyon ang panukalang budget ng DOTr.

