Dumarami ang mga Pilipinong may trabaho; underemployment bumaba noong Setyembre
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 6, 2026 at 7:56:34 AM
Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Setyembre, habang bahagyang bumaba ang porsiyento ng mga manggagawang naghahanap ng karagdagang trabaho o mas mahabang oras ng pagtatrabaho, batay sa datos ng labor force na inilabas nitong Biyernes, Nobyembre 6.
Batay sa pinakahuling Labor Force Survey, sinabi ni Dennis Mapa, national statistician ng Philippine Statistics Authority (PSA), na umakyat sa 53.19 milyon ang bilang ng mga kabilang sa labor force ng bansa noong Setyembre, mula sa 52.56 milyon noong Agosto at 51.56 milyon sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, ayon sa ulat ng Philippine News Agency (PNA).
Tumaas sa 64.5% ang labor force participation rate, bahagyang mas mataas kumpara sa 64.0% na naitala noong Agosto.
Umabot sa 50.32 milyon ang bilang ng mga may trabaho noong Setyembre, mula sa 49.79 milyon noong Agosto at 49.60 milyon noong Setyembre 2025. Nasa 94.6% naman ang employment rate.
Nanatiling pinakamalaking pinagmumulan ng trabaho ang sektor ng serbisyo, na sinundan ng agrikultura at industriya, ayon sa PNA.
Kabilang sa mga industriyang nagtala ng pinakamalaking pagtaas sa bilang ng mga manggagawa ang accommodation at food service activities, transportasyon at imbakan, iba pang serbisyo, agrikultura at paggugubat, at pampublikong administrasyon at depensa.
Samantala, bahagyang bumaba sa 11.0% ang underemployment rate mula sa 11.1% noong nakaraang buwan. Sinabi ni Mapa na tinatayang 5.56 milyong Pilipinong may trabaho ang naghahanap ng karagdagang pagkakakitaan, mas mahabang oras ng paggawa o ibang trabaho noong Setyembre, ayon sa ulat ng PNA.
Tinatayang nasa 5.4% naman ang unemployment rate, katumbas ng 2.86 milyong Pilipinong walang trabaho sa nasabing buwan.
Paraluman News, batay sa ulat ni Anna Leah Gonzalez/Philippine News Agency

