DOTr, Australia, nagtutulungan para i-upgrade ang imprastraktura sa transportasyon ng Pilipinas
Sari Story
September 10, 2026 at 4:02:37 AM
MANILA — Pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) at pamahalaan ng Australia ang posibleng partnership para gawing moderno ang railway, airport at seaport infrastructure ng Pilipinas.
Tinalakay nina Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez at Australian Ambassador to the Philippines Marc Innes-Brown ang mga oportunidad sa pamumuhunan sa malalaking transport projects ng bansa sa kanilang pagpupulong sa DOTr main office sa Mandaluyong City nitong Martes, ayon sa inilabas na pahayag ng ahensya nitong Miyerkules.
Binanggit ni Lopez ang ilang railway projects kabilang ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway System, MRT-7, upgrade at expansion ng MRT-3, LRT-1 Cavite Extension Project at Philippine Automated Fare Collection System.
“Ito ang uri ng partnership na makatutulong upang matugunan ang mga kakulangan sa sektor ng transportasyon. Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang patuloy na pakikipagtulungan sa ibang mga bansa ay makatutulong na mapabuti ang araw-araw na pagbiyahe ng ating mga kababayan (This is the kind of partnership that would help close the gaps in the transport sector. President [Ferdinand R.] Marcos, Jr. has said sustained partnership with other countries will help improve the daily commute of our countrymen),” ani Lopez.
Isinusulong din ng DOTr ang modernization ng mga regional airport kabilang ang Laguindingan Airport, Bohol-Panglao International Airport, Iloilo International Airport, Puerto Princesa International Airport, Laoag International Airport, Busuanga Airport, Bacolod-Silay International Airport, Tacloban Airport, General Santos International Airport at Siargao Airport.
Binigyang-diin din ng kalihim ang mga road transport project tulad ng EDSA Busway, Taguig City Integrated Terminal Exchange, active transport project at Navotas Feeder Line Project na ikokonekta sa EDSA Busway.
Itinutulak din ng DOTr ang nationwide modernization at infrastructure upgrade ng mga seaport ng bansa upang mapabuti ang inter-island connectivity at matiyak ang mahusay na paggalaw ng mga tao, produkto at serbisyo.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Innes-Brown sa mga proyekto at sinabing makatutulong ang mga ito sa pagpapahusay ng reliability ng public transport sa Pilipinas at pagpapagaan ng araw-araw na pagbiyahe ng mga Pilipino.
“May ambisyosong plano ang Pilipinas para sa imprastraktura, enerhiya at pag-unlad ng ekonomiya. Nais naming makitang mas maraming Australian investors ang nagdadala ng kapital at expertise upang maisakatuparan ang mga ambisyong ito (The Philippines has ambitious plans for infrastructure, energy and economic development. We want to see more Australian investors bringing capital and expertise to help turn those ambitions into reality),” ani Innes-Brown.
Kasama ni Innes-Brown sa pulong ang mga opisyal ng Australian infrastructure firm na Plenary Group.

