Digital manifest system matapos ang trahedya sa Palawan, isinusulong
Sari Story
September 16, 2026 at 2:30:35 AM
Nanawagan si Senador Francis “Chiz” Escudero sa agarang pagpapatupad sa buong bansa ng digital passenger manifest system para sa paglalayag sa dagat, matapos ipakita ng trahedya ng MV June Aster sa Coron, Palawan ang panganib na dulot ng kakulangan sa datos ng mga pasahero tuwing may emergency.
Ginawa ni Escudero ang panawagan matapos ihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na posibleng mas marami ang sakay ng nasabing barko kaysa sa bilang na nakalista sa opisyal na manifest.
“Ang nangyari sa MV June Aster ay nagpapakita kung bakit kailangan nating pabilisin at palawakin ang pagpapatupad nito (What happened to MV June Aster shows why we must accelerate and expand the rollout),” aniya.
Inatasan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang paggamit ng digital passenger manifests bilang bahagi ng mga hakbang para maiwasan ang overloading at mapahusay ang kaligtasan sa paglalayag. Gayunman, sinabi ni Escudero na hindi pa pare-pareho ang pagpapatupad ng sistema sa mga pantalan sa iba’t ibang rehiyon.
Aniya, ang pagkakaroon ng tamang impormasyon ng mga pasahero nang real time ay makatutulong sa mga awtoridad sa pantalan at PCG na mas epektibong tumugon sa mga emergency sa dagat.
Noong Marso, sinimulan ng MARINA ang testing sa Iloilo at Guimaras gamit ang tap-and-go cards na awtomatikong lumilikha ng passenger manifest, gayundin ang QR-based registration gamit ang mobile application na binuo ng Department of Information and Communications Technology.
Sinabi ni Escudero na dapat ding magpatupad ang Pilipinas ng mas mahigpit na pamantayan sa digital manifest na ginagamit na sa ibang bansa sa rehiyon. Kabilang dito ang electronic manifest submission bago bumiyahe sa Singapore at Malaysia, QR-based boarding system sa Indonesia, at real-time electronic manifests para sa mga commercial passenger vessel sa Japan at South Korea.
Aniya, kailangang makasabay ang Pilipinas sa mga ganitong sistema, lalo na’t milyon-milyong Pilipino ang umaasa sa paglalakbay sa pagitan ng mga isla.
“Kung ang aviation ay may mahigpit na real-time digital passenger manifest, dapat ganito rin ang pamantayan sa ating maritime sector. Sa panahon ng digital systems at real-time reporting, hindi dapat nagkakaroon ng ganitong kalaking puwang sa impormasyon,” aniya.
Batay sa pinakahuling ulat ng PCG, 132 katao ang nakalista sa manifest ng MV June Aster. Sa bilang na ito, 76 ang kumpirmadong nasawi, 43 ang nakaligtas at 13 ang nananatiling nawawala. Dalawa sa mga nakalista sa manifest ang iniulat na hindi naman nakasakay sa barko.
Hiniling ng PCG sa mga kaanak ng mga nawawalang pasahero na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Coron at sa Coast Guard habang inaalam ng mga awtoridad ang aktuwal na bilang ng mga nawawalang pasahero at tripulante.
Nagpaabot si Escudero ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at hinimok ang mga ahensya ng pamahalaan at mga may-ari ng barko na magbigay ng tulong sa mga kaanak na dumarating sa Palawan, gayundin sa mga nakaligtas na ginagamot sa mga ospital.
Nanawagan din siya para sa mas malawak na pagsusuri sa mga regulasyon sa kaligtasan sa dagat matapos ang trahedya, kabilang ang mga requirement sa fire suppression sa ilalim ng Philippine Ship Safety Rules and Regulations of 2021, mga pamantayan sa pagsasanay at sertipikasyon ng mga tripulante sa ilalim ng 1978 Standards of Training, Certification and Watchkeeping na ipinatutupad sa pamamagitan ng Republic Act No. 10635, mga limitasyon sa edad ng mga barko sa ilalim ng Domestic Shipping Development Act o RA 9295, at pagpapatupad ng mga regulasyon sa ilalim ng Philippine Coast Guard Law o RA 9993.
“Halos limang araw na mula nang mangyari ang insidente, at kailangang pabilisin ang imbestigasyon. Habang nagluluksa tayo, kailangan din nating kumilos (It has been almost five days since the incident, and the investigation must be expedited. As we grieve, we must also act). Hindi na dapat maulit ang ganitong trahedya na puwede namang maiwasan. Tiyakin natin ang ligtas na biyahe para sa bawat pasaherong tumatawid sa ating mga karagatan,” aniya.

