Bsp, pinagsusumite ng report tungkol sa implementasyon ng Afasa laban sa mga online scams
Sari Story News
September 3, 2026 at 12:29:58 PM
Inatasan ni Senator Mark Villar ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsumite ng report tungkol sa resulta ng implementasyon ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) laban sa mga online scams.
Si Villar na Chairman ng Senate Committee on Banks ang pangunahing may-akda ng panukala na layong tugisin at matigil ang mga online scams at financial fraud sa bansa.
Sa budget hearing ay hiningi ng senador sa BSP ang datos ng mga nahuli at napanagot na scammers.
"Bilang principal author at sponsor ng AFASA, nais nating malaman kung paano nakatulong ang batas sa pagpapatibay ng enforcement laban sa online scams at kung mas marami na ba tayong nahuhuli at napapanagot na scammers", ayon kay Villar.
Sinabi naman ni BSP General Counsel Roberto Figueroa na malaki ang naitulong ng batas para mapalakas ang kakayahan ng BSP na sugpuin ang scams at fraud partikular sa pamamagitan ng Consumer Account Protection Office (CAPO), na itinatag alinsunod sa batas.
Patunay dito ang naitala ng PNP Anti-Cybercrime Group noong 2025 na 527 kasong naresolba dahil sa AFASA at naitala rin ang pagbaba ng mga insidente ng online scam sa unang kalahati ng 2026.
Tinukoy din ni Figueroa ang pagkakaaresto ng National Bureau of Investigation noong Disyembre 2024 sa pitong Chinese nationals na umano’y sangkot sa isang online scamming operation sa Parañaque City.
Tiwala naman si Villar na dahil sa positibong resulta ng batas, mas mapapalakas ang imbestigasyon at paghahain ng kaso laban sa mga scammers at posible ring mabawi ang perang nawala sa mga biktima.
"Malinaw sa mga datos na may konkretong resulta ang AFASA. Mas napapalakas nito ang imbestigasyon at paghahain ng mga kaso, habang mas tumataas ang posibilidad na mabawi ng mga biktima ang perang nawala sa kanila", ani Villar.

