BSP: Kampanya laban sa online scams, lumakas dahil sa pinaigting na cybercrime enforcement
Sari Story
September 4, 2026 at 9:07:29 AM
Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na malaking tulong ang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) sa pagpapalakas ng kakayahan ng pamahalaan na imbestigahan, tukuyin at kasuhan ang mga sangkot sa online financial fraud.
Binigyang diin ni BSP General Counsel Roberto L. Figueroa ang naging epekto ng batas sa pagdinig ng Senate Committee on Finance tungkol sa panukalang 2027 national budget, bilang tugon sa mga update na hiniling ni Senator Mark Villar.
Sa pagdinig, nagtanong kasi si Villar, na siyang pangunahing may-akda at sponsor ng AFASA at chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, kung nakatulong ang batas sa mas mabilis na pagtukoy at pagsasampa ng kaso laban sa mga scammer.
“Bilang pangunahing may-akda at sponsor ng AFASA, nais nating malaman kung paano nakatulong ang batas sa pagpapalakas ng pagpapatupad laban sa online scams at kung mas marami na ba tayong nahuhuli at napapanagot na mga scammer,” sabi ni Villar.
(“As the principal author and sponsor of AFASA, we want to know how the law has reinforced enforcement against online scams and whether more fraudsters are being caught and held accountable.”)
Ayon kay Figueroa, isa sa pinakamahalagang hakbang sa ilalim ng AFASA ang paglikha ng Consumer Account Protection Office (CAPO). Nagbibigay ito sa BSP ng mas matibay na mekanismo upang direktang matugunan ang mga kahina-hinala at mapanlinlang na financial transactions.
Batay sa datos na inilahad sa briefing, nakapagtala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ng 527 kasong may kaugnayan sa AFASA noong 2025, kung saan 447 na ang nalutas.
Napansin din ng mga awtoridad ang pagbaba ng mga insidente ng online scams noong unang kalahati ng 2026. Ayon kay Figueroa, maaaring isa sa mga dahilan nito ang mas mataas na kamalayan ng publiko tungkol sa mga scam.
Kabilang sa mga nabanggit na enforcement action ni Figueroa ang pagkakaaresto noong Disyembre 2024 sa pitong Chinese nationals ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y operasyon ng online scamming sa Parañaque City. Kinasuhan ang mga suspek sa ilalim ng mga probisyon ng AFASA laban sa mga social engineering scheme.
Sa ilalim ng batas, binibigyan ng kapangyarihan ang BSP na suriin ang mga financial account na pinaghihinalaang ginagamit sa mga operasyon ng scam kahit walang naunang court order.
Maaaring direktang ibahagi ng BSP sa mga law enforcement agency ang impormasyong makukuha mula sa mga pagsusuring ito. Nakakatulong ito upang mapabilis ang pagsubaybay sa daloy ng pera, mapalakas ang mga ebidensya sa kaso at mapataas ang posibilidad na mabawi ng mga biktima ang kanilang ninakaw na pera.
Idinagdag ni Figueroa na nagkaroon na rin ang CAPO ng mga pormal na kasunduan para sa pagbabahagi ng impormasyon sa mahahalagang regulatory at law enforcement agencies, kabilang ang Securities and Exchange Commission (SEC), Department of Justice (DOJ), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC). Layunin nitong mapabilis at mapadali ang koordinasyon ng iba't ibang ahensya sa paglaban sa financial cybercrime.
Malugod namang tinanggap ni Villar ang mga update at sinabi niyang ipinapakita ng mga unang datos ang pagiging epektibo ng batas.
“Malinaw sa mga datos na may konkretong resulta ang AFASA. Mas napapalakas nito ang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso, habang mas tumataas ang posibilidad na mabawi ng mga biktima ang perang nawala sa kanila,” giit ng senador.
( “The data clearly shows AFASA is delivering concrete results. It strengthens investigations and case filings while improving victims' chances of recovering lost money.”)
Muli ring tiniyak ni Villar ang suporta ng Senado sa mga karagdagang hakbang para maprotektahan ang publiko laban sa financial cybercrime.
“Nakakatuwang makita na mas marami nang scammers ang natutukoy at napapanagot dahil sa AFASA. Makakaasa ang BSP at iba pang ahensya na handang tumulong ang Senado kung kinakailangan pang palakasin ang ating mga batas upang higit na maprotektahan ang publiko laban sa mga financial scam,” ayon kay Villar.
(“It is encouraging to see that more scammers are being identified and held accountable because of AFASA. The BSP and other agencies can count on the Senate to help if we need to further strengthen our laws to better protect the public against financial scams.”)

