Black Friday sale? Ilang brand, piniling hindi makilahok
Helen Reid sa London, Elisa Anzolin sa Milan, at Danielle Kaye sa Los Angeles/Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network
November 27, 2026 at 1:22:45 PM
LONDON/MILAN/LOS ANGELES - Habang nag-aalok ang karamihan sa mga brand ng malalaking diskwento ngayong Black Friday upang makahikayat ng mga mamimili, pinili naman ng ilan na hindi makilahok. Layunin ng mga brand na ito na maprotektahan ang kanilang kita, isulong ang sustainability, o mamukod-tangi at makuha ang loob ng dumaraming mamimiling nag-aalinlangan sa walang tigil na mga promosyon.
Sa Italy, sa unang pagkakataon ay hindi lalahok sa Black Friday ngayong taon ang fashion brand na Pinko. Ayon sa chairman nitong si Pietro Negra, maaaring mauwi sa isang hindi magandang siklo ang pagbibigay ng mga diskwento.
“Sa hindi paglahok sa Black Friday, sinusubukan naming putulin ang isang maliit na ulo ng dragon na mayroon pang isang libong ulo (By not taking part in Black Friday, we're trying to cut off one small head of a dragon that has another thousand),” ayon kay Negra, na tinukoy ang mga promosyon para sa pamilya at mga kaibigan (family & friends), private sales, at iba pang aktibidad na naghihikayat sa pagbibigay ng diskwento.
“Hindi iyan ang uri ng ugnayang nais naming magkaroon sa aming mga mamimili, at hindi rin iyan ang mga kondisyong magtitiyak sa kinabukasan ng sektor (That's not the kind of relationship we want with customers, nor are those the conditions that will secure the future of the sector.)”
Naging mahirap ang taong ito para sa mga retailer sa buong mundo dahil sa muling pagtaas ng inflation bunsod ng digmaan sa Iran, habang kinakailangan naman ng malalaking diskwento upang mahikayat na bumili ang mga mamimiling kapos sa pera.
Ngunit habang kayang magbaba nang malaki ng presyo ang malalaking kompanya tulad ng Amazon, na nakahihikayat sa karamihan ng mga mamimili tuwing Black Friday, maaaring may mabuti at masamang epekto ang sunod-sunod na diskwento sa maliliit na brand. Maaari nitong bawasan ang kanilang tubo at gawing mas atubili ang mga mamimili na bumili sa regular na presyo sa ibang panahon ng taon.
Ayon kay Negra, tinatayang €2 milyon ($2.19 milyon) ang mawawala sa benta ng Pinko dahil sa hindi paglahok nito sa Black Friday. Gayunman, mas maliit ang magiging epekto nito sa kakayahan ng kompanyang kumita, at ang porsiyento ng tubo ang pangunahing pinagtutuunan niya ng pansin.
PAGTUGON SA PAGKASAWA NG MGA MAMIMILI SA DISKWENTO
Matapos ang limang taon ng patuloy na mataas na inflation, lalong nagiging mapagduda ang mga mamimili sa mga estratehiya ng mga retailer sa pagpepresyo. Hindi na rin sila madaling maniwala na tunay silang nakatitipid sa mga inaanunsyong diskwento, ayon kay Shikha Jain, isang partner sa consultancy firm na Simon-Kucher sa Boston.
Mapanganib para sa mga brand ang hindi paglahok sa Black Friday dahil sa matinding kompetisyon para sa bawat dolyar na ginagastos ng mga mamimili. Gayunman, maaaring makatulong ang desisyong ito upang mapansin sila sa ibang paraan at makuha ang tiwala ng mga mamimili, lalo na ng mga hindi gaanong nakabatay sa presyo ang desisyong bumili.
“Malaki na ang ibinaba ng tiwala ng mga mamimili (There has been a serious erosion of trust),” ayon kay Jain, na nakikita rin ang “lumalaking pag-aatubili sa paggastos at matinding pagkasawa sa inflation at sa mahirap na kalagayang kinakaharap ng maraming Amerikano (increasing pullback, and major fatigue against inflation and the challenging environment that many Americans find themselves in).”
Sinisikap din ng mga brand na hindi nakikilahok na makuha ang atensyon ng mga mamimili, kahit hindi ito agad magbunga ng benta, sa pamamagitan ng pagpaparating ng kanilang mensahe o pagkamit ng magandang impresyon mula sa publiko.
Ayon sa British outerwear brand na Buffalo Systems, hindi ito nakikilahok sa Black Friday dahil isa itong maliit na negosyong gumagawa ng mga produkto sa UK. Samantala, isinasara naman ng American outdoor retailer na REI ang mga tindahan nito tuwing Black Friday at binibigyan ng isang araw na pahinga ang mga empleyado upang makapaglaan ng oras sa mga aktibidad sa labas.
Isinasara rin ng The Ordinary, isang skincare brand na pagmamay-ari ng malaking kompanya sa industriya ng pagpapaganda na Estee Lauder (EL.N), ang mga tindahan nito sa naturang araw. Sa halip, nagsasagawa ito ng mga blood donation drive sa New York at Toronto.
Ayon kay Amy Bi, senior vice president of global brand ng The Ordinary, ang biglaang pagbili nang hindi pinag-iisipan tuwing Black Friday ay madalas humahantong sa pagbili ng mga produktong hindi naman kailangan o hindi angkop sa balat ng mga mamimili. Ang pansamantalang paghinto ng pagbebenta sa naturang araw ay isang paraan upang hikayatin silang “huwag magmadali (slow down).”
MARKETING NA SUMASALUNGAT SA BLACK FRIDAY
Maaaring hindi kayang isakripisyo ng mas maliliit na brand ang kinakailangang pagtaas ng benta na dulot ng Black Friday. Sa halip, gumagamit sila ng mga estratehiya sa marketing na taliwas sa nakasanayan upang mamukod-tangi.
Ang UpCircle, isang British beauty brand na gumagamit ng latak ng kape, balat ng oats, at iba pang natitirang materyales mula sa industriya ng pagkain sa paggawa ng mga cream at scrub nito, ay nag-aalok din ng sariling mga diskwento tuwing Black Friday.
Kasabay nito, isinusulong ng brand ang prinsipyo nitong pagbawas sa basura sa pamamagitan ng mga post sa Instagram na bumabatikos sa labis na produksyon at pagkonsumo, gamit ang mga impormal na termino sa social media tulad ng “landfill maxxing,” na tumutukoy sa labis na paglikha ng basurang napupunta sa mga tambakan.
Pinasikat ang Black Friday sa Estados Unidos, ngunit lumaganap na ito sa buong mundo mula noong unang bahagi ng dekada 2000, sa tulong na rin ng Amazon at iba pang multinational retailer.
Ang Black Friday ay “ganap na salungat sa lahat ng aming ipinaglalaban dahil sa kaugnayan nito sa paglikha ng basura at malawakang pagkonsumo (The antithesis of everything we stand for when it comes to the associations with waste, with mass consumption),” ayon kay Anna Brightman, tagapagtatag ng UpCircle.
Gayunman, ayon kay Brightman, nakahihikayat ng atensyon sa gitna ng matinding kompetisyon sa merkado ang kanilang mga post na tumututol sa labis na pagkonsumo. Nakatutulong din ang 25% diskwento sa lahat ng kanilang produkto upang mahikayat ang mga bagong mamimili na subukan ang kanilang unang produkto mula sa brand.
Sa loob lamang ng tatlong linggo sa panahon ng Black Friday, nakukuha ng UpCircle ang 20% ng kabuuang online sales nito sa buong taon.
($1 = 0.9136 euros)

