Binance: Kumpleto na ang pagbawi sa mga withdrawal matapos ang $6.3-bilyong pagnanakaw ng crypto
Rajveer Singh Pardesi; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 27, 2026 at 1:22:45 PM
Natapos na ng Binance ang mga hakbang para maibalik ang operasyon ng withdrawal systems nito matapos ang cyberattack noong nakaraang buwan, bagama't may ilang network na isinara dahil sa ibang mga dahilan, sinabi ng kumpanya nitong Huwebes.
Nawalan ng mga token na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $6.3 bilyon ang pinakamalaking cryptocurrency exchange sa mundo dahil sa pagnanakaw at pinigilan nito ang lahat ng user na mag-withdraw ng kanilang pondo sa sumunod na dalawang araw. Sinabi ng Binance noong Nobyembre 2 na umabot sa netong $4.7 bilyon ang halagang inalis ng mga customer mula sa platform nang muling buksan ang withdrawal services.
"Kumpleto na ang aming mga hakbang para maibalik ang withdrawal services at tuluyan nang inalis ang suspensiyon sa mga withdrawal na ipinatupad dahil sa insidente sa seguridad (Our withdrawal recovery work is completed and the withdrawal suspension from the security incident has been fully lifted)," pahayag nito sa isang post sa X nitong Huwebes.
"Pinapayagan na ang mga withdrawal sa halos lahat ng network. Hiwalay dito, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng ilang network dahil sa maintenance, na isang karaniwang proseso (Withdrawals are open across nearly all networks. Separately, a small number are temporarily paused due to network maintenance, which is standard practice)."
Sinabi ng Binance na kaya ng kumpanya na sagutin ang mga nalugi nito. Humigit-kumulang $2.85 bilyon ng mga ninakaw na pondo ang malayuang na-freeze ng mga kumpanyang naglalabas ng mga ito. Gayunman, sinabi ng mga researcher na inililipat ang natitirang pondo sa pamamagitan ng mga hindi gaanong kilalang crypto service sa isang masalimuot na operasyon ng money laundering na maaaring tumagal ng ilang buwan o maging taon.
- Rajveer Singh Pardesi sa Bengaluru at Elizabeth Howcroft sa Paris; Editing ni David Goodman/Reuters

