top of page

Artificial nails ng China, patunay sa lalim ng kalakalan sa US

Sari Story

September 24, 2026 at 8:24:50 AM

Larawan ng kamay at press-on nail

Isang empleyado ang naglalagay ng mga detalye sa isang press-on nail sa Donghai Yizhigu Nail Art factory sa Donghai county, Lianyungang, Jiangsu province, China, noong Setyembre 17, 2026.

Chenxi Yang / Reuters

Habang naghahanda sina Chinese President Xi Jinping at US President Donald Trump na pag-usapan ang relasyon ng dalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo, libu-libong manggagawa sa Donghai sa silangang China ang abala naman sa paggawa ng isang maliit at karaniwang produkto na nagpapakita ng lawak ng pandaigdigang kalakalan, ang artificial nails, nitong Huwebes, Setyembre 17.


Ang Donghai, isang county na may populasyon na isang milyon sa silangang lungsod ng Lianyungang, ay gumagawa ng tinatayang 40 porsiyento ng pandaigdigang supply ng press-on at handmade artificial nails, na may taunang benta na lampas US$1 bilyon, ayon sa Chinese media.


Kwento ni Zhang Da, may-ari ng isang pabrika na may 200 technician at gumagawa ng 20,000 set ng artificial nails bawat buwan na may glitter, floral designs at mga disenyong tampok ang Labubu, ang Estados Unidos ang kanilang pinakamalaking merkado batay sa dami ng order.


“Ang aming mga customer sa Estados Unidos ay kasalukuyang karaniwang naglalagay ng medyo malalaking order (Our customers in the United States currently tend to place fairly large orders),” saad niya.


“Marami rin kaming customer mula sa ibang mga bansa... Malaki ang dami ng mga order mula sa mga merkadong iyon, at marami silang taong kasangkot sa industriya (We also have quite a lot of customers from other countries... There is a large quantity of orders from those markets, and they have many people involved in the industry),” dagdag niya.


Mula nang buksan ni Zhang ang kanyang pabrika noong 2018, sinabi niyang patuloy na lumalaki ang demand mula sa ibang bansa. Umabot na umano ito sa puntong halos araw-araw ay nakatatanggap siya ng mga international customer.


Ayon kay Ashley Dudarenok, founder ng digital consultancy na Chozan, ipinapakita ng pagtaas ng popularidad ng press-on nails ang lumalaking pagkahilig ng mga consumer sa “little luxuries” — isang trend kung saan gumagastos ang mga tao sa maliliit at abot-kayang bagay na hindi naman pangunahing pangangailangan.


Sinabi ni Dudarenok na nakabuo ang China ng isang mataas na kompetisyong ecosystem para sa beauty products, mula sa disenyo at pagmamanupaktura hanggang sa logistics at product development. Dahil dito, mahihirapan umano ang mga consumer at negosyo sa Estados Unidos na makahanap ng mga alternatibo kung tataas pa ang tariffs o buwis sa mga produktong mula China.


Habang inaasahang magiging sentro ng presidential summit sa Washington ngayong Huwebes, Setyembre 24, ang tensyon kaugnay ng lumalaking exports ng China ng mga produktong gaya ng mga sasakyan at baterya, ipinapakita naman ng mabilis na paglago ng tila hindi estratehikong beauty sector ang lawak at lakas ng manufacturing industry ng China.


bottom of page