top of page

‘Buy Local, Be Vocal’ trade fair ng Region 12, idaraos sa BGC

Joann Santiago-Villanueva / Philippine News Agency; Isinalin ng Sari Story Network

October 15, 2026 at 4:45:25 AM

Larawan na nagsusulong ng trade fair sa Region 12

Kuha mula sa Facebook page ng Philippine News Agency (PNA)

Philippine News Agency / Facebook Page

MANILA – Target ng mga awtoridad na umabot sa P30 milyon ang benta sa Treasures of Region 12: Buy Local, Be Vocal trade fair na gaganapin mula Huwebes hanggang sa Linggo sa Market! Market! sa Bonifacio Global City (BGC).


Sa panayam sa programang Bagong Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabi ni Eddie De Asis, officer-in-charge provincial director ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Sultan Kudarat, na nasa 70 micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang lalahok sa aktibidad ngayong taon.


Ito na ang ikatlong pagkakataong idaraos sa Metro Manila ang naturang trade fair.


Mas marami ito kumpara sa 60 exhibitors noong nakaraang taon, ayon kay De Asis.


Kabilang sa mga produktong itatampok ang kape at tsokolate mula sa Sultan Kudarat, mga produktong T’nalak mula sa South Cotabato, at mga produktong agrikultural mula sa iba pang lugar sa rehiyon.


Magmumula ang mga MSME sa mga lungsod ng Koronadal, General Santos, Tacurong at Kidapawan, gayundin sa mga lalawigan ng South Cotabato, North Cotabato, Sultan Kudarat at Sarangani sa Soccsksargen.


Ayon kay De Asis, nagtapos ang mga exhibitors sa Kapatid Mentor ME program ng DTI, na naglalayong mapaunlad ang kaalaman at kasanayan ng mga may-ari ng MSME sa operasyon at pamamahala ng kanilang negosyo, gayundin ang matulungan silang makapasok sa mas maraming pamilihan.


“Libre po ang pagpasok sa Treasures of Region 12, basta bumili lang po kayo (Entrance is free, just buy our offerings),” ani De Asis.


bottom of page