top of page

VP Trial: Testigo, sinabing may walong aktibong account ang GenCorp sa Security Bank

Sandra Samala-Salem

October 7, 2026 at 10:54:54 AM

Larawan ni Security Bank Branch Banking Group Head Leslie Cham

Nagbigay ng testimonya si Security Bank Branch Banking Group Head Leslie Cham sa harap ng Senate impeachment court sa Senado sa Pasay City nitong Miyerkules, Oktubre 7, 2026. Sinabi ni Cham sa korte na may walong aktibong peso account ang GenCorp Industries, Inc. sa naturang bangko at inilahad ang year-end balances ng mga ito mula 2022 hanggang 2025.

Avito Dalan/SPPA Poo

MANILA — May walong aktibong peso account ang GenCorp Industries, Inc. sa Security Bank, kung saan apat sa mga ito ay binuksan mula 2023 hanggang 2025, ayon sa testimonya sa impeachment court ng Senado nitong Miyerkules.


Inilahad ni Security Bank Branch Banking Group Head Leslie Cham ang mga detalye ng mga account matapos tanungin ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan kung may mga nakatagong peso account ang nasabing kumpanya.


“Walong accounts (Eight accounts),” sagot ni Cham, at kinumpirmang lahat ng ito ay nananatiling aktibo hanggang sa kasalukuyan.


Kabilang ang GenCorp sa mga negosyong idineklara ni Vice President Sara Duterte bilang business interest sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), bagama’t sinusuri ng impeachment court ang kaugnayan nito sa mga opisyal na rekord ng kumpanya.


“Oo, sir. Lahat ito ay aktibo (Yes, sir. It’s all active),” sabi ni Cham sa korte nang tanungin ni Pangilinan kung bukas pa ang mga account.


Batay sa mga rekord na inilahad ni Cham, binuksan ang unang dalawang account ng GenCorp noong Oktubre at Nobyembre 2020, na sinundan ng dalawa pang account noong Marso 2021.


Isa pang account ang binuksan noong Agosto 2023, habang tatlo pa ang idinagdag noong Enero, Agosto at Nobyembre 2025.


Tinanong din ni Pangilinan si Cham na ilagay sa rekord ang year-end balances ng mga account mula 2022 hanggang 2025.


Sa isang account, nasa humigit-kumulang P7.88 milyon ang balanse nito sa pagtatapos ng 2022. Umakyat ito sa P10.67 milyon noong 2023, bumaba sa P9.04 milyon noong 2024, at nagtapos sa tinatayang P3.28 milyon noong 2025.


Isa pang account ang may balanseng humigit-kumulang P2.28 milyon noong 2022, P3.12 milyon noong 2023, at P4.55 milyon noong 2024.


Sa isa pang account, nasa P3.18 milyon ang balanse noong 2023, P5.05 milyon noong 2024, at P4.14 milyon noong 2025.


Tinukoy din ni Cham ang isa pang account na may tinatayang P14.59 milyon sa pagtatapos ng 2022. Umakyat ito sa P15.66 milyon noong 2023 bago bumaba sa P11.3 milyon noong 2024.


Mas maliit naman ang year-end balances ng iba pang account, kabilang ang isang may tinatayang P1.5 milyon noong 2025, isa pang may P3.19 milyon, isang may humigit-kumulang P18,656, at isa pang walang laman o zero balance.


bottom of page