top of page

VP trial: Mga tagausig, umaasang mailalabas ang desisyon ng impeachment sa Nobyembre o unang bahagi ng Disyembre

Joyce Ann Rocamora/Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network

October 17, 2026 at 12:10:33 PM

Larawan nina Francis Escudero at Sherwin Gatchalian.

Presiding Officer ng impeachment court ng Senado na si Francis Escudero (kanan) at Senate President Sherwin Gatchalian.

Joseph Vidal/Senate Social Media Unit

MANILA - Umaasa ang pangkat ng mga tagausig ng House of Representatives na makapaglalabas na ng desisyon ang impeachment court ng Senado sa kaso ni Bise Presidente Sara Z. Duterte sa huling bahagi ng Nobyembre o unang linggo ng Disyembre.


“Inaasahan po natin, kung isa na lang ‘yung article na pag-uusapan, sana po by end of November, or at least, at the latest, first week of December, sana makapagdesisyon na po (We anticipate that if there is only one article left to discuss, a decision could hopefully be reached by the end of November, or, at the very latest, by the first week of December),” pahayag ni House prosecutor at Kinatawan ng ikatlong distrito ng Maynila na si Joel Chua sa Saturday News Forum sa Quezon City.


Napagpasyahan ng pangkat ng mga tagausig na bawiin ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment laban sa Bise Presidente. Kabilang dito ang mga paratang na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, grave threats o malulubhang pagbabanta, at panunuhol.


Bilang paliwanag sa hakbang na ito, sinabi ni Chua na naniniwala ang pangkat na ang natitirang artikulo, na tumatalakay sa hindi maipaliwanag na yaman, ang may pinakamatibay at pinakamabigat na ebidensyang madaling maunawaan ng publiko.


“Tingin ko naman, lahat naman po tayo, nauunawaan po natin 'yung P818 million. So ito po, maliwanag na wala po, malayo po ito sa dineklara niyang P98 million nung 2025 (I believe everyone can grasp the figure of P818 million. It is a far cry from the P98 million she declared in 2025),” ani Chua.


Nauna nang sinabi ni Atty. Alexander Cabrera, ang ekspertong testigo na iniharap ng mga tagausig, na natukoy sa kaniyang forensic examination ang humigit-kumulang ₱817.87 milyon na umano’y hindi maipaliwanag na yaman na kinasasangkutan ni Duterte at ng kaniyang asawang si Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.


Nakatakdang simulan ng kampo ng depensa ang paglalahad ng kanilang mga ebidensiya at testigo sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 9.


Para kay Chua, pagkakataon din ito para makapagbigay ng malinaw na paliwanag ang kampo ni Duterte tungkol sa transaksyong nagkakahalaga ng ₱319 milyon na kinasasangkutan ng Cale88, isang kumpanyang may interes ang kanyang asawa ngunit hindi nakasaad sa kanilang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).



bottom of page