top of page

VP Duterte, nangangamba sa kanyang seguridad matapos ilabas ang warrant of arrest

Sari Story

September 7, 2026 at 9:37:58 AM

Larawan ni Vice President Sara Duterte

Kuha ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court matapos magpiyansa, isang araw matapos maglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa kanya, sa Quezon City, Setyembre 5, 2026

REUTERS / Eloisa Lopez

Nangangamba si Vice President Sara Duterte para sa kanyang buhay at kaligtasan ng kanyang mga anak matapos magpalabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng kasong grave threats.


Sa isang pahayag, sinabi ni Duterte na mayroon siyang dokumentadong mga pagbabanta at harassment laban sa kanya mula pa noong 2023, at ikinababahala niya ang kaligtasan ng kanyang mga anak.


“Nadokumento ko ang mga pagbabanta at harassment simula 2023. Natatakot ako para sa mga anak ko. Pakiramdam ko hindi sila ligtas kapag kasama nila ako,” sabi ni Duterte.

(“I have documented threats and harassment since 2023. I fear for my children. I do not feel they are safe if I am with them.”)


Iginiit din ng bise presidente na nagtungo ang mga pulis sa kinaroroonan ng kanyang mga anak kahit nakaalis na siya sa lugar upang humarap sa korte.


“Umalis na nga ako kung nasaan mga anak ko para pumunta sa korte pero pumunta pa rin ang pulis,” sabi ni Duterte.


Sinabi rin ni Duterte na hindi siya ligtas sa gitna ng mga kasong kinahaharap.


“Hindi ako ligtas. Pakiramdam ko papatayin nila ako,” sabi ni Duterte.


Kinumpirma ng kampo ni Duterte nitong Biyernes, Setyembre 4, na nagpalabas ng warrant of arrest laban sa bise presidente ang Quezon City RTC.


Kinumpirma rin ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte sa mga kasong grave threats, ang pagpapalabas ng warrant. Nag-ugat ang mga kaso sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).


Noong Nobyembre 2024, sinabi ni Duterte na kumuha siya ng isang assassin upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at noo'y House Speaker Martin Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.


Iginiit ni Duterte na inalis sa konteksto ang kanyang mga pahayag at kinuwestiyon ang mga legal na proseso laban sa kanya.


Ang pagpapalabas ng warrant ay kasunod ng patuloy na pagharap ni Duterte sa magkahiwalay na hamong pulitikal at legal, kabilang ang impeachment case na nakabinbin sa Senado.


bottom of page