top of page

VP Duterte, hiniling sa NBI na ilipat ang pagpupulong sa Oktubre 5 kaugnay ng mga alegasyon ni Gracioso

Sandra Samala-Salem

October 3, 2026 at 4:00:59 PM

Larawan ni NBI Director Melvin Matibag

NBI Director Melvin Matibag habang dumadalo sa isang sesyon. Kuha mula sa kanyang opisyal na Facebook page

Ang larawan ay mula sa Facebook page ni Atty. Melvin Matibag

Hiniling ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na ilipat ang pagpupulong na nakatakda sa Oktubre 5, kaugnay ng mga alegasyon ng sinibak na pulis na si Rodulfo Gracioso Jr., sa kadahilanang kailangan munang suriin ang kanyang sinumpaang salaysay at mga kalakip na dokumento.


Sa liham na ipinadala kay NBI Director Melvin Matibag noong Oktubre 1, ipinaliwanag ng mga abogado ni Duterte, “Sa inyong liham, binanggit ninyo ang patuloy na imbestigasyon sa mga ‘alegasyon’ na ginawa ng isang Rodulfo M. Gracioso, Jr. at hinihingi ang pahayag, mga dokumento at record ng aming kliyente na maaaring makatulong sa paglilinaw sa mga ‘usaping kinakaharap.’ (In your letter, you mention an ongoing investigation into ‘allegations’ made by a certain Mr. Rodulfo M. Gracioso, Jr., and request for our client's statements, documents, and record that may help clarify the ‘issues at hand’).


“Gayunman, bagama’t binanggit sa inyong liham na may kalakip na kopya ng Sinumpaang Salaysay ni G. Gracioso, wala itong kalakip na naturang dokumento. Dahil dito, hindi makapagbibigay ang aming kliyente ng makabuluhang tugon sa inyong kahilingan sa ngayon (However, while your letter mentions an attached copy of Mr. Gracioso's Sinumpaang Salaysay, none was attached thereto. Consequently, our client cannot provide any meaningful reply to your request at this time),” ayon sa liham.


Hiniling din ng mga abogado sa NBI na magbigay ng kopya ng sinumpaang salaysay ni Gracioso, kasama ang mga kalakip nitong dokumento at anumang ebidensyang isinumite niya, upang masuri ni Duterte ang mga alegasyon bago siya tumugon.


Iminungkahi rin nilang ilipat ang pagpupulong sa Oktubre 8, tatlong araw matapos ang unang itinakdang petsa.


Nilagdaan ang liham ng mga abogado ni Duterte na sina Clifford Chua, Paul Lawrence Lim at Kimberly Resurreccion ng Chua Lim and Associates. Nilagdaan din ito ni Duterte bilang tanda ng kanyang pagsang-ayon sa nilalaman nito.


Si Gracioso, na dating nagsilbing tauhan sa seguridad ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, ay naghatid umano ng mga maletang naglalaman ng pera kina Vice President Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte, alinsunod sa utos ni Velasco.


Tinataya niyang mahigit P2 bilyon ang kabuuang halagang naihatid niya kay Sara Duterte.


bottom of page