top of page

VP Duterte, bibisita sa Hong Kong nang tatlong araw bago ang pagpapatuloy ng impeachment trial

RA Sibag Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 6, 2026 at 8:28:37 AM

Larawan ni Vice President Sara Duterte

SCREEN GRAB: Larawan ni Vice President Sara Duterte mula sa kaniyang Facebook page.

Facebook/ VP Sara Duterte

Umalis patungong Hong Kong nitong Biyernes, Nobyembre 6, si Vice President Sara Duterte para sa tatlong araw na pagbisita upang dumalo sa ilang aktibidad, kabilang ang isang pagtitipong inorganisa ng lokal na komunidad ng mga Pilipino, ayon sa Office of the Vice President (OVP).


Ayon sa OVP, nakakuha si Duterte ng pahintulot mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98 noong Nobyembre 3 para sa kaniyang paglalakbay sa ibang bansa. Kasunod nito, pinagkalooban siya ng Office of the President ng opisyal na pahintulot para sa naturang biyahe.


“Magalang na ipinababatid ng Office of the Vice President sa publiko na maglalakbay si Vice President Sara Duterte sa Hong Kong mula Nobyembre 6 hanggang 8, 2026, upang dumalo sa mga pagtitipon at makilahok sa iba't ibang aktibidad, kabilang ang isang programang inorganisa ng Filipino Community (The Office of the Vice President respectfully informs the public that Vice President Sara Duterte will travel to Hong Kong from November 6 to 8, 2026, to attend engagements and participate in various activities, including an event organized by the Filipino Community),"  pahayag ng OVP.


Binigyang-diin ng OVP na personal na gagastusan ni Duterte ang kaniyang biyahe at hindi gagamit ng anumang pondo ng pamahalaan.


“Personal na pondo ng bise presidente ang gagamitin upang tustusan ang kaniyang paglalakbay. Walang pera, kagamitan o pasilidad ng pamahalaan ang gagamitin kaugnay ng kaniyang biyahe (The Vice President shall cover the cost of her travel using personal funds. No government money, resources, or facilities shall be used in connection with her travel)," ayon sa pahayag.


Naganap ang pagbisita ng bise presidente ilang araw bago ang pagpapatuloy ng kaniyang impeachment trial sa Senado sa Lunes, Nobyembre 9. Nakatakdang simulan ng kaniyang defense panel ang paglalahad ng mga ebidensiya laban sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment.


Hindi nagbigay ng karagdagang detalye ang OVP tungkol sa iba pang nakatakdang aktibidad ni Duterte sa Hong Kong.


—RA Sibag/Paraluman News


bottom of page