top of page

Tagapagsalita ng Senate impeachment court, pinag-iingat sa mga pahayag matapos sabihing inaasahan na ang hatol sa Disyembre 16

Sari Story

October 6, 2026 at 3:59:44 AM

Larawan ni Senator Raffy Tulfo

Larawan ni Senator-judge Raffy Tulfo

Senate Social Media Unit

Hiniling ni Senator-judge Raffy Tulfo sa Senate impeachment court na paalalahanan ang tagapagsalita nitong si Atty. Reginald Tongol matapos nitong sabihin sa media na maaaring ilabas ang desisyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte pagsapit ng Disyembre 16.


Inihayag ni Tulfo ang kanyang pagkabahala sa ika-33 araw ng paglilitis, matapos siyang tawagan ng ilang personalidad nitong weekend at tanungin kung nakapagdesisyon na ba ang mga senator-judge sa kaso.


“Marahil kailangan nating bigyan ng babala ang ating spokesperson. May mga tumawag sa akin nitong weekend at sinabing tila nakapagdesisyon na tayo sa magiging resulta dahil sinabi ni Atty. Tongol sa media na magkakaroon tayo ng pinal na desisyon pagsapit ng Disyembre 16 (Maybe we should give a warning to our spokesperson. People were calling me over the weekend, saying we have prejudged the outcome since Atty. Tongol told the media that we will have a final verdict by December 16),” giit ni Tulfo.


Nauna nang nagbabala ang impeachment court sa mga spokesperson ng prosecution at defense na iwasang maglabas ng mga pahayag sa media tungkol sa mga isinasagawang paglilitis.


Gayunman, nilinaw ni Presiding Officer Francis Escudero na ang pagtukoy ni Tongol sa Disyembre 16 ay batay sa pre-trial order ng korte, na nagtakda ng inaasahang timetable para sa paglalahad ng ebidensya ng magkabilang panig.


Ipinaliwanag ni Escudero na nakalkula ang petsa batay sa 61 araw na hiniling ng prosecution para sa presentasyon ng kanilang mga ebidensya at 30 araw naman na hinihingi ng defense.


“Batay iyon sa kalendaryong nakasaad sa pre-trial order. Batay iyon sa matematika. Hindi iyon nakabatay sa mga aktuwal na nangyayari sa ngayon (That is based on the calendar in the pre-trial order. It is based on math. It is not based on the realities on the ground),” sabi ni Escudero.


Gayunman, iginiit pa rin ni Tulfo na dapat pagsabihan si Tongol. Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na naglabas ang spokesperson ng mga pahayag na maaaring pangunahan ang magiging desisyon ng mga senator-judge.


“Panahon na para pagsabihan natin siya. Hindi ito ang unang pagkakataon. Maraming beses na siyang sumablay, pumalpak (It is about time we admonish him. This is not the first time. Maraming beses na syang sumablay, pumalpak),” giit ni Tulfo.


“Buti pa siya, marami siyang alam. Eh itong mga senator-judge, mga kasamahan ko, may mga bagay na hindi namin alam. Nabubulaga na lamang kami kapag nagsasalita siya sa media. Kumbaga, inuunahan niya tayo, pine-preempt niya tayo (Good for him, he seems to know a lot. But we, the senator-judges and my colleagues, there are things that we don’t know. We are caught off guard whenever he speaks too much to the media. In a way, he is getting ahead of us and preempting us),” dagdag pa niya.


Sinabi naman ni Escudero na isasaalang-alang niya ang kahilingan ni Tulfo.


bottom of page