top of page

SP Gatchalian, pinuna ang ‘kahina-hinalang’ ₱2.7 bilyong pinansyal na transaksyong iniuugnay kay VP Duterte

Sari Story

October 8, 2026 at 4:28:37 AM

Larawan ni Senate President Sherwin Gatchalian

Larawan ni Senate President Sherwin Gatchalian mula sa Facebook page ng Senado.

Joseph B. Vidal / Senate Social Media Unit

Pinuna ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Miyerkules ang tinawag niyang “hindi pangkaraniwang” dami ng mga pinansyal na transaksyong nagkakahalaga ng ₱2.7 bilyon, na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte mula 2009 hanggang 2013.


Nagbabala si Gatchalian hinggil sa mga transaksyong ito sa impeachment trial ng Senado, habang nagtatanong kay Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura, na naglahad ng financial intelligence report tungkol sa bise presidente.


Ayon kay Gatchalian, ang ₱2.7 bilyong transaksyong naitala sa loob ng limang taon ay katumbas ng humigit-kumulang 70 hanggang 80 porsiyento ng kabuuang ₱3.3 bilyong transaksyong nakarehistro sa pangalan ni Duterte sa talaan ng AMLC mula 2007 hanggang 2025.


“Tinitingnan ko itong report ninyo, at may nakita akong pattern dito, from 2009 to 2013, ang transactions reported by VP Sara ay, for that time frame alone, was about P2.7 billion. Lumalabas parang those transactions were almost 70 to 80 percent of the total P3.3 billion (for 2007 to 2025) ) (I’m looking at your report, and I noticed a pattern here. From 2009 to 2013, the transactions reported under VP Sara’s name amounted to about ₱2.7 billion during that five-year period alone. It appears that these transactions accounted for almost 70% to 80% of the total ₱3.3 billion recorded from 2007 to 2025),” sabi ni Gatchalian.


Sa paghahati-hati ng mga halaga kada taon, binigyang-diin ni Gatchalian na umabot sa tinatayang ₱700 milyon ang mga transaksiyon noong 2009, ₱600 milyon noong 2010, at ₱500 milyon noong 2011.


“Hindi pangkaraniwan ang ganitong kalakaran. Kung ikukumpara sa iba na nasa ₱40 milyon lamang ang karaniwang halaga ng mga transaksyon, umabot naman ito sa humigit-kumulang ₱2.7 bilyon sa loob ng limang taon (It’s an unusual trend. Compared to the others na on average P40 million lang ang transactions, ito it’s about P2.7 billion in a span of five years),” saad niya.


Tinanong din ng Senate President ang pinuno ng AMLC kung nararapat bang imbestigahan ng konseho ang mga naturang transaksyon sa kabila ng matagal nang panahong lumipas.


“Sa inyong palagay, ito ba ay isang bagay na dapat tingnan ng AMLC kahit matagal na ang mga pangyayaring ito? (In your opinion, is this something the AMLC should look into, even though I understand that these transactions happened a long time ago?),” tanong ni Gatchalian.


Sumagot si Buenaventura na mahalaga pa rin ang mga rekord ng mga nakaraang transaksyon sa mga imbestigasyong pinansyal, lalo na sa pagsusuri ng biglaang pagtaas ng halaga o dami ng mga transaksyon.


“Kagalang-galang na Hukom, karaniwang sinusuri rin po namin ang mga rekord ng mga nakaraang transaksyon. Bahagi po ng aming pagsusuri ang pagtukoy kung nagkaroon ng biglaang pagtaas sa halaga ng mga transaksyon (Your Honor, generally, we do look at historical transactions. If there is a sudden increase in the size or amount of transactions, that is something we take into consideration as part of our analysis in general),” saad ni Buenaventura.


Pagdami ng mga kahina-hinalang ulat ng transaksyon


Binigyang-pansin din ni Gatchalian ang 34 na Suspicious Transaction Reports (STRs) na may kaugnayan kay Duterte at isinumite sa AMLC ng mga bangko at iba pang institusyong saklaw ng batas.


Ayon sa senador, 30 sa 34 na ulat—o humigit-kumulang 80 porsiyento ng kabuuang STRs na may kaugnayan sa bise presidente—ay naitala sa loob lamang ng tatlong taon, mula 2022 hanggang 2025.


“Bakit sa loob lamang ng tatlong taon naitala ang mga ito sa kabuuan ng 18-taong panahon mula 2007 hanggang 2025? Bakit sa panahong iyon naitala ang malaking bahagi ng mga STR? (Why were they concentrated in just three years out of the entire 18-year period (2007 to 2025)? Why was the bulk of the STRs recorded during that period?),” tanong ng pinuno ng Senado.


“Iyan po ang lumabas sa aming mga record (That’s what came out in our records),” tugon ni Buenaventura.


Batay sa ulat ng AMLC, ang 30 STRs na may kaugnayan kay Duterte ay tumutukoy sa mga transaksyong nagkakahalaga ng ₱60.9 milyon. Samantala, nakapagtala rin ang ulat ng 28 STRs na may kaugnayan sa asawa ng bise presidente na si Manases Carpio, na sumasaklaw sa mga transaksyong nagkakahalaga ng ₱373.5 milyon.


bottom of page