top of page

Senator Alan Cayetano: Pagbabago sa vote threshold habang isinasagawa ang paglilitis, maaaring mauwi sa mistrial

Sari Story

September 20, 2026 at 5:22:34 AM

Larawan ni retired Chief Justices Artemio Panganiban

Sinabi nina retired Chief Justices Artemio Panganiban (nasa larawan), Hilario Davide Jr., at Reynato Puno na hindi nangangahulugang permanenteng nakapirmi sa 16 na boto ang two-thirds requirement, lalo na kung may ilang senator-judge na maaaring legal na hindi makalahok sa paglilitis.

Wendell Alinea / Senate Social Media Unit

MANILA — Nagbabala si Senador Alan Peter Cayetano na ang pagbabago sa bilang ng mga botong kailangan para mahatulan si Vice President Sara Duterte sa impeachment habang nagpapatuloy ang paglilitis ay maaaring mauwi sa mistrial o pagkansela ng naging proseso ng paglilitis.


“Ayoko po na magkaroon ng mistrial. Ayoko po na maibasura lahat ng trabaho na ginawa sa trial na ito (I don't want to have a mistrial. I don’t want all the work done in this trial to go to waste),” sabi ni Cayetano, sa isang Facebook livestream noong Setyembre 18.


Ayon kay Cayetano, napagdesisyunan na ang usapin nang magpasya si Presiding Officer Francis Escudero noong Hulyo 6 na 16 na boto ang kailangan upang mahatulan si Duterte. Wala umanong senator-judge ang kumuwestiyon sa ruling na ito noong panahong iyon.


Giit ng senador na ito ang dahilan kung bakit sinadya niyang hindi makibahagi sa mga sumunod na talakayan tungkol sa posibilidad na muling isaalang-alang ang vote threshold.


“Walang sama ng loob sa lahat ng mga amicus na nagbigay ng oras nila. Kinikilala ko sila, nirerespeto ko ang kanilang mga opinyon. Pero hindi puwedeng sa kalagitnaan ng trial, doon natin pag-uusapan na babaguhin natin ang mga patakaran (No offense to all the amici who gave their time. I recognize them, I honor them, I honor their opinions. But we cannot discuss in the middle of the trial that we are going to change the rules),” ani Cayetano.


Sinabi ni Cayetano ang kanyang posisyon kasunod ng magkakaibang interpretasyon na inilahad ng apat na retiradong mahistrado ng Korte Suprema bilang amici curiae tungkol sa constitutional requirement sa impeachment court proceedings noong Setyembre 16.


Ayon kina retired Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno, hindi nangangahulugang permanenteng nakapirmi sa 16 na boto ang two-thirds requirement, lalo na kung may mga senator-judge na maaaring legal na hindi makalahok sa paglilitis.


Samantala, kabaligtaran naman ang posisyon ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna, na nagsabing dapat manatiling kasama sa denominator ang lahat ng 24 na nakaupong senador.


Iginiit ni Cayetano na hindi dapat ituring ang mga numerong nakasaad sa Konstitusyon bilang mga bilang na maaaring basta na lamang baguhin depende sa sitwasyon.


“Ang mga numero sa Konstitusyon ay fixed. Ang mga numerong iyan ay hindi basta-bastang mga numerong inilagay lang doon (The numbers in the Constitution are fixed. Those numbers are not arbitrary numbers that are just there),” ani Cayetano.


Sinabi niya na sa halip, dapat tiyakin sa paglilitis na parehong nabibigyan ang prosekusyon at depensa ng sapat na pagkakataong iharap ang kani-kanilang mga kaso, sa ilalim ng mga regular na patakaran.


Nakatakdang dinggin ng Senate impeachment court ang oral arguments ng prosekusyon at depensa sa Setyembre 23. Pagkatapos nito, inaasahang pagpapasyahan ng mga senator-judge kung pananatilihin ang umiiral na ruling ni Escudero na nangangailangan ng 16 na boto para sa conviction.


bottom of page