top of page

Senate court pag-aaralan ang mga subpoena request ni VP Sara matapos umatras si Sarmiento

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 5, 2026 at 7:40:22 AM

Larawan ni Reginald Tongol

MGA KAHILINGAN PARA SA SUBPOENA. Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol sa isang press briefing sa larawang walang petsa. Sinabi ni Tongol nitong Huwebes (Nobyembre 5, 2026) na rerepasuhin ni Presiding Officer Francis Escudero ang mga kahilingan para sa pagpapalabas ng subpoena sa mga inaasahang testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang propesor ng constitutional law na si Ralph Sarmiento, na tumangging tumestigo.

Kuha mula sa livestream ng Senado

Hindi pa kumikilos ang Senate impeachment court kaugnay ng mga kahilingan ni Vice President Sara Duterte na magpalabas ng subpoena para sa mga inaasahang testigo ng kanyang depensa, bago ang pagpapatuloy ng impeachment trial sa Nobyembre 9. Kabilang sa mga ito si constitutional law professor Ralph Sarmiento, na tumangging tumestigo.


Ayon sa ulat ng Philippine News Agency (PNA), nagsumite ang defense team ni Duterte ng mga kahilingan para sa pagpapalabas ng subpoena sa mga testigong nakatakdang humarap mula Nobyembre 9 hanggang 13. Sinabi ng korte na rerepasuhin ang mga kahilingan batay sa mga tuntunin nito at sa pamantayan sa kaugnayan at pagiging katanggap-tanggap ng mga ebidensiya.


Kabilang sa mga pinangalanang testigo si Sarmiento, na inaasahang magbibigay-linaw sa mga usaping konstitusyonal na may kaugnayan sa Article II, ang nag-iisang natitirang sakdal sa impeachment laban kay Duterte na tumatalakay sa umano'y hindi maipaliwanag na yaman nito.


Gayunman, sinabi ni Sarmiento na hindi siya lalahok sa mga pagdinig upang mapanatili ang kalayaan ng kanyang mga akademikong pag-aaral sa larangan ng batas. Hiniling din niya sa mga abogado ni Duterte na bawiin ang kahilingan para sa pagpapalabas ng subpoena laban sa kanya.


Sinabi naman ng abogadong si Michael Poa na iginagalang ng legal team ang desisyon ni Sarmiento at na naisumite na nila ang listahan ng kanilang mga testigo para sa unang linggo ng pagdinig.


Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa Lunes, kung saan maghahain ang depensa ng mga ebidensiya kaugnay ng Article II, matapos bawiin ng mga tagausig ang tatlo pang sakdal sa impeachment noong Oktubre 15.


—Paraluman News, batay sa ulat ni Wilnard Bacelonia/Philippine News Agency



bottom of page