top of page

Senador Escudero: Mas mababang voting threshold, para lamang sa kasalukuyang impeachment trial

Sari Story

September 24, 2026 at 2:57:24 AM

Larawan ni Senate President Sherwin Gatchalian at Presiding Officer Chiz Escudero

Larawan mula sa Facebook page ng Senado.

Wendell D. Alinea / Senate Social Media Unit

Binaligtad ng Senate impeachment court nitong Miyerkules ang nauna nitong desisyon na 16 na boto ang kailangan upang mahatulan at mapatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte.

Sa halip, pinagtibay ng korte ang bagong paraan ng pagkukuwenta ukol dito kung saan isasama lamang sa bilang ang mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa paglilitis sa oras ng botohan.


Sa botong 13-1, habang hindi lumahok ang anim na senator-judge, pinagbigyan ng impeachment court ang apela ni Senator-Judge Erwin Tulfo laban sa interpretasyon ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero noong Hulyo 6, na nagsabing nangangailangan ng 16 na boto para sa conviction dahil ang Saligang Batas ay nagtatakda ng two-thirds ng “all the Members of the Senate,” at may 24 na miyembro ang Senado.


Inihain ni Tulfo ang usapin noong Setyembre 8, kasunod ng mga tanong kung dapat pa bang isama sa basehan ng botohan ang mga senador na hindi maaaring lumahok sa proceedings.


Sa ilalim ng bagong patakaran, hindi na isasama sa denominator o kabuuang bilang na pagbabasehan ng two-thirds requirement ang mga senador na: nakakulong o suspendido, o may legal na hadlang sa pagganap ng kanilang tungkulin;  hinahanap ng mga awtoridad at hindi alam ang kinaroroonan; pisikal o medikal na hindi kayang lumahok; nasa labas ng kakayahan ng Senado na piliting dumalo o lumahok; o nasa katulad na sitwasyon. 


“Ang pariralang ‘all members of the Senate’ ay tumutukoy sa mga miyembro na, sa oras ng botohan, ay nananatiling legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa proceedings (The phrase ‘all members of the Senate’ shall refer to those members who, at the time of the vote, remain legally and factually capable of participating in the proceedings),” sabi ni Escudero.


Hindi lumahok sa botohan tungkol sa threshold sina Senator-Judges Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Christopher Lawrence “Bong” Go, Imee Marcos, Camille Villar, at Robinhood Padilla.


Si Escudero naman ang nag-iisang bumoto laban sa ruling.


Bagama’t hindi siya sumang-ayon sa desisyon ng nakararami, sinabi ni Escudero na ipatutupad niya ito sa mga susunod na proceedings.


“Ang presiding officer, kung tutuusin, ay hindi ang korte. Siya ay tagapag-ingat lamang ng proseso, hindi ang may-ari ng magiging resulta nito (The presiding officer, after all, is not the court. He is merely the custodian of the process, not the proprietor of its outcome),” ani Escudero.


“Ito ang esensya ng demokrasya — na mapanatili ang hindi pagkakasundo nang walang paghadlang, at ang legal na resulta ay sundin nang walang sama ng loob (This is the essence of democracy – that disagreement be preserved without obstruction and that lawful result be obeyed without resentment),” dagdag pa niya.


Paglilinaw naman ni Escudero, hindi awtomatikong itinatakda ng ruling ang bagong numerical threshold.


Kailangan munang tukuyin ng impeachment court, batay sa sapat at mapagkakatiwalaang ebidensya, kung may senador na kabilang sa limang kategoryang maaaring hindi isama sa bilang.


Pagkatapos nito, ang mga natitirang kwalipikadong senador ang bubuo sa denominator o kabuuang bilang na pagbabasehan sa pagkukuwenta ng two-thirds requirement.


Nilinaw din ng korte ang isang hiwalay na usapin tungkol sa mathematical computation na tinalakay sa oral arguments nitong Miyerkules. Kapag nagkaroon ng decimal o fraction sa resulta ng two-thirds computation, ito ay ira-round up sa susunod na buong boto, kahit na mas mababa sa 0.5 ang decimal.


Halimbawa, kung 20 senador ang magiging denominator, ang two-thirds nito ay 13.33.

Dahil hindi sapat ang 13 boto para maabot ang constitutional requirement, kakailanganin ang 14 na boto para sa conviction.


Nilimitahan din ni Escudero ang bisa ng ruling sa kasalukuyang impeachment trial ni Duterte. Tinukoy niya itong “pro hac vice,” na nangangahulugang para lamang sa partikular na pagkakataong ito.


“Ito ay isang ruling, hindi isang amendment ng rules (This is a ruling, not an amendment of the rules),” saad niya.


Ayon kay Escudero, wala itong magiging binding effect sa mga susunod na impeachment court at maaari lamang magsilbing “persuasive guidance.”


Ang botohan noong Setyembre 23 ay isinagawa matapos ang dalawang linggong pagsusuri na kinabibilangan ng mga opinyon ng amici curiae at oral arguments mula sa prosecution at defense tungkol sa interpretasyon ng constitutional phrase na “all the Members of the Senate.”


Ang bagong formula ang magiging batayan sa magiging botohan sa conviction sa mga articles of impeachment laban kay Duterte, maliban kung mababago ito sa pamamagitan ng judicial o iba pang legal na proseso.


bottom of page