top of page

Senador Alan Cayetano, hinimok ang Korte Suprema na lutasin ang usapin sa impeachment vote threshold

Sari Story

September 29, 2026 at 2:01:37 AM

Larawan ni Senator Alan Peter Cayetano

Screen grab ng larawan ni Senador Alan Peter Cayetano mula sa Facebook page ng Senado ng Pilipinas.

Wendell D. Alinea / Senate Social Media Unit

Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang Korte Suprema na agad umaksyon sa mga petisyong kumukuwestiyon sa bilang ng mga boto na kailangan upang mahatulan ang isang opisyal na ini-impeach, at nagbabala na maaaring magkaroon ng malawak na epekto ang patuloy na kawalan ng katiyakan sa usapin.

 

Ginawa ni Cayetano ang panawagan matapos ihain sa Kataas - tasang Hukuman ang dalawang petisyon na kumukuwestiyon at humihingi ng paglilinaw sa interpretasyon ng Senado sa kinakailangang bilang ng boto.

 

Nag-ugat ang kontrobersiya sa desisyon ng Senado na ibaba ang kinakailangang boto para sa conviction mula sa nakapirming two-thirds vote ng kabuuang miyembro nito, o 16 na boto, sa 14. Ibinatay ang pagbabago sa bilang ng mga senador na itinuring na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa paghatol.

 

“Sa ngayon, may economic difficulty (At this time, there's an economic difficulty). Tuloy-tuloy pa rin ang mga tanong sa flood control. It's a disservice to our nation kung may mga uncertainties,” sinabi ni Cayetano sa mga reporter sa isang panayam.

 

Binigyang-diin niya na ang mabilis na desisyon ng Korte Suprema ay magbibigay ng kinakailangang paglilinaw, dahil maaaring magsilbing precedent o batayan ang interpretasyon sa bilang ng boto lampas sa kasalukuyang impeachment trial.

 

“The earlier that the Supreme Court decides, the better, kasi 'yung numbers na 'yan ay applicable sa marami,” dagdag ni Cayetano.

 

Ayon sa minority leader, maaaring direktang makaapekto ang ruling sa threshold sa iba pang proseso ng Senado at mga usaping konstitusyonal, kabilang ang pagtukoy sa quorum, pagratipika ng mga tratado, mga panukalang amyenda sa Konstitusyon, at pagdidisiplina sa mga miyembro ng Senado.

 

Kinikilala na ang impeachment proceedings ay pinagsasama ang mga legal na panuntunan at mga usaping pulitikal, iginiit ni Cayetano na mahalaga ang malinaw na mga alituntunin. Muli rin niyang ipinahayag ang tiwala ng Senado sa proseso ng hudikatura, bagama't kinilala niya na hindi tiyak ang magiging timeline ng Korte.

 

“We're confident in our legal system. But wala naman nakakaalam kasi sa timing, sa pace,” aniya.

 

Samantala, pinabulaanan ni Cayetano ang mga pangambang nakaapekto sa kanilang samahan ang magkakaibang pananaw ng mga miyembro ng Senate Minority Bloc sa panahon ng paglilitis. Nilinaw niyang patuloy na nagtutulungan ang pitong senador ng minorya sa mga usaping sa paggawa ng batas habang ginagamit ang kanilang sariling pagpapasya bilang mga hukom sa impeachment court.

 

“Working at wala namang animosity ang pitong nandito sa Minority. Walang minority o majority pagdating sa impeachment court,” aniya.

 

bottom of page