Senado, ipinagtanggol ang pagpili sa mga retiradong mahistrado bilang Amici Curiae
Sari Story
September 14, 2026 at 4:29:23 AM
Nilinaw ni impeachment court spokesperson Reginald Tongol sa online press briefing na inimbitahan ang mga retiradong Chief Justice na sina Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr., at retiradong Associate Justice Rodolfo Azcuna bilang amici curiae o mga kaibigan ng hukuman dahil sa kanilang kaalaman sa Konstitusyon.
Wendell Alinea / Senate Social Media Unit
Ipinagtanggol nitong Biyernes ng Senate impeachment court ang pagpili nito sa apat na Supreme Court justices na magbibigay ng payo sa usapin ng voting threshold sa paglilitis sa impeachment kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang online press briefing, sinabi ni impeachment court spokesperson Reginald Tongol, nakabatay lamang sa legal expertise ang pagpili sa mga retiradong mahistrado at hindi sa kanilang mga dating posisyon o pananaw sa isyu.
Dagdag ni Tongol, ang pag-imbita kina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr., gayundin kay retired Associate Justice Rodolfo Azcuna bilang amici curiae ay dahil sa kanilang malawak na kaalaman sa Konstitusyon.
Si Puno ang dating chairman ng Consultative Committee na nagsagawa ng pagsusuri sa 1987 Constitution noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang naging miyembro naman sina Davide at Azcuna ng 1986 Constitutional Commission na bumalangkas sa Saligang Batas. Binigyang-diin ni Tongol na wala sa apat na retiradong mahistrado ang hayagang nagsabi sa media o social media ng kanilang posisyon tungkol sa voting threshold.
Sinabi rin ni Tongol na kumonsulta si Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero sa prosecution at defense teams bago pinal na piliin ang mga inimbitahang legal expert.
Kinokonsidera rin ng impeachment court ang pagdaragdag ng iba pang legal experts matapos makatanggap ng puna mula sa publiko tungkol sa kawalan ng representasyon ng kababaihan sa panel.
“Patuloy pa ang proseso (That is an ongoing process),” ani Tongol. “Maaaring ngayong weekend, kung magkakaroon ng mga pagbabago, may maidagdag pa (Maybe this weekend, if ever there are developments on that, more would be added).”
Nakaiskedyul na ilahad ng apat na retiradong mahistrado ang kanilang mga legal opinion sa Setyembre 16 tungkol sa kung mananatili o babaguhin ang 16-vote requirement para sa conviction. Sa ilalim ng kasalukuyang rules, kailangan ang two-thirds majority o hindi bababa sa 16 sa 24 na senator-judge para mahatulan ang isang opisyal na sumasailalim sa impeachment.
Naging sentro ng pagtatalo ang voting threshold dahil apat na senator-judge ang kasalukuyang hindi makalahok sa paglilitis.
Kabilang dito si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na nagtatago matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC).
Nakakulong naman sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng mga kasong plunder na non-bailable sa Sandiganbayan.
Samantala, nasa ibang bansa si Sen. Loren Legarda dahil sa extended na medical leave.
Nagmula ang paghirang sa mga amici curiae sa kahilingan ni Senator-Judge Erwin Tulfo na muling suriin ang naunang ruling ni Escudero na nagtakda sa 16 na boto bilang kinakailangang bilang para sa conviction. Ayon kay Tulfo, dapat muling suriin ang voting threshold dahil sa matagal na pagkawala ng apat na senador sa impeachment court.

