top of page

Senado: Impeachment trial ni VP Sara, posibleng umabot hanggang Disyembre

Philippine News Agency / Wilnard Bacelonia; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

October 28, 2026 at 7:27:25 AM

Larawan ng mga Senador

IMPEACHMENT TRIAL:  Dumalo ang mga senador na nagsisilbing hukom sa isang sesyon ng impeachment court ng Senado kaugnay ng mga kasong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte, sa larawang kuha sa isang nakaraang sesyon. Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Martes (Oktubre 27, 2026), posibleng umabot hanggang Disyembre ang paglilitis habang naghahanda ang depensa na ilahad ang kanilang mga ebidensiya sa pagpapatuloy ng proceedings sa Nobyembre 9.

PNA / Avito Dalan

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Martes na posibleng umabot hanggang Disyembre ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte habang naghahanda ang Senado na bigyang-daan ang paglalahad ng ebidensiya ng depensa at ang mga deliberasyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.


“Parang hindi na kaya ng November, from the looks of it. So I'm sure, tingin ko tatawid ito ng December (It looks like we can no longer finish by November. I think the proceedings will extend into December),” pahayag ni Gatchalian sa mga mamamahayag sa isang panayam sa Senado.


Dagdag ng Senate President, hindi pa inilalahad ng depensa ang kanilang mga ebidensiya at testigo kaya maaga pa upang maghinuha tungkol sa magiging resulta ng paglilitis o talakayin ang mga posibleng susunod na hakbang.


“To be fair sa respondent, di pa na-present ang defense yung kanilang ebidensya at testimony, so pakinggan muna natin,” aniya.


Itinanggi rin ni Gatchalian ang mga pahayag na walong araw lamang ang kakailanganin ng depensa upang matapos ang kanilang paglalahad, at sinabing wala siyang impormasyon tungkol sa naturang kasunduan.


Binigyang-diin niya na ang depensa ang dapat magpasya kung anong mga ebidensiya at testimonya ang nais nilang iharap.


Nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9, kung kailan naman ilalahad ng depensa ang kanilang panig matapos ihinto ng prosekusyon ang paglalahad ng kanilang kaso noong Oktubre 15.


Nakatuon na ngayon ang paglilitis sa natitirang impeachment charge na may kaugnayan sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, kasunod ng pagtanggap ng impeachment court ng Senado sa kahilingan ng prosekusyon na bawiin ang tatlo pang artikulo ng impeachment.


Samantala, kinilala ni Gatchalian na magiging hamon ang pagsasabay ng impeachment proceedings at mga deliberasyon sa badyet ng Senado, lalo na't nagmamadali ang mga mambabatas na maaprubahan ang panukalang badyet para sa 2027 bago matapos ang taon.


Sa ilalim ng pansamantalang plano, uunahin muna ng Senado ang impeachment trial bago pansamantalang suspindihin ang paglilitis nang humigit-kumulang isa hanggang dalawang linggo upang isagawa ang mga deliberasyon sa badyet sa plenaryo.


Maaari namang ipagpatuloy ng Senado ang impeachment trial kung hindi pa natatapos ng depensa ang kanilang paglalahad.


Ayon kay Gatchalian, nakikipag-ugnayan siya kay Senate finance committee chairperson Senator JV Ejercito upang pinal ang kalendaryo ng mga gawaing lehislatibo at maiwasan ang mga hindi kinakailangang pagkaantala.


Nang tanungin tungkol sa posibleng hahalili sa posisyon ng bise presidente, tumanggi si Gatchalian na talakayin ang usapin habang wala pang pinal na resolusyon sa impeachment case.


“Tapusin muna natin yung impeachment.”


bottom of page