Sen. Alan Cayetano, pinaglalabas ng ebidensya si Sen. Ping Lacson tungkol sa mga nasayang na pondo sa umano'y illegal Reclamation Projects sa Taguig
Sari Story News
September 2, 2026 at 4:33:06 AM
Hinamon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Senator Ping Lacson na maglabas ng ebidensya ukol sa nasayang na pondo sa umano'y illegal reclamation project sa Laguna Lake na sakop ng Taguig.
Kasunod na rin ito ng hindi maawat na social media war ng dalawa patungkol sa mga alegasyon ng ghost projects sa naturang lungsod.
Binigyang-diin ni Cayetano na tigilan na ni Lacson ang theatrics at hayaan ang Ombudsman at mga investigative bodies na gawin ang kanilang trabahong magimbestiga sa isyu.
"If there is evidence against DPWH, Taguig, or against me, then present it. Stop the theatrics and let the evidence do the talking in the proper judicial venue where fairness is assured", giit ni Cayetano.
Dagdag dito ay sinabi rin ni Cayetano na oras na mapatunayang iligal ang mga titulo ng mga ari-ariang nasa gilid ng Laguna Lake ay tiyak na madagdagan ang lupa ng gobyerno.
Kaugnay naman ito sa sinabi ni Lacson na may apat na parsela ng lupa ang umano'y may kwestyunableng titulo, kabilang ang isang 181,077-square-meter na ari-arian na sakop ng titulong nagmula sa isang homestead patent.
"Sa isang banda po, nag-ho-hope din kami na totoo iyon. Bakit? Kasi kung totoong illegal iyon, sa gobyerno iyon [mapupunta], eh di may 18 hectares tayo ngayon para sa gobyerno", pahayag ng senador.
Bukas din ang senador sa balak na pagsusuri sa mga titulo ng lupa sa lungsod lalo't matagal na rin naman itong gustong masuri ni Taguig City Mayor Lani Cayetano.

