top of page

Prosekusyon hiniling na maipa-subpoena sa trial ni VP si dating Senador Trillanes

Sandra Samala-Salem

September 25, 2026 at 12:57:21 PM

Larawan ni dating Senador Antonio Trillanes IV

Screen grab ng larawan ni dating Senador Antonio Trillanes IV mula sa kanyang Facebook page.


Mula sa Facebook page ni dating Senador Trillanes

Humihiling ang prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado na piliting tumestigo si dating Senador Antonio Trillanes IV sa susunod na linggo kaugnay ng mga alegasyon tungkol sa kanyang personal na yaman. 


Sa isang pormal na mosyon na iniharap sa Senado bilang impeachment court, hiniling ng mga prosecutor ang pagpapalabas ng subpoena kay Trillanes sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment.


Tinutukoy sa Article II ang mga alegasyon hinggil sa “hindi maipaliwanag na yaman” ni Duterte at umano’y pagtanggap o pagkuha ng pondo mula sa mga taong o source na tinukoy sa mga ebidensiyang iniharap sa impeachment court.


Nauna nang iginiit ni Trillanes sa isang pagdinig ng House Committee on Justice noong Abril na tumanggap umano si Duterte at mga miyembro ng kanyang malapit na pamilya ng 181 milyong piso mula sa isang sinasabing drug lord.


Inihayag ang naturang alegasyon habang sinusuri ng mga mambabatas ang probable cause para sa impeachment laban sa Bise Presidente.


Paulit-ulit namang itinanggi ni Duterte ang mga pahayag ni Trillanes, at tinawag na “incredible” ang mga alegasyon tungkol sa bilyun-bilyong pisong hindi idineklarang bank accounts.


Dagdag pa niya, “peddling” o paulit-ulit na ipinapakalat ni Trillanes ang parehong naratibo mula pa noong 2016, nang maupo sa puwesto ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Iginiit din ni Duterte na malinis ang kanyang public record at wala siyang kinakaharap na pormal na kaso kaugnay ng maling paggamit ng pondo ng bayan.


Bukod kay Trillanes, inanunsyo ng prosekusyon na nakatakdang ipagpatuloy sa Lunes ang testimonya ni PhilGEPS division chief Rendelle Sopeña.


Samantala, naisyuhan na rin ng subpoena si Davao City Mayor Sebastian Duterte at maaari siyang humarap bilang testigo sa impeachment court sa Lunes o Martes.


Inaatasan siya ng subpoena na magsumite ng mga rekord kaugnay ng GenCorp Industries, isang kumpanyang nakalista sa mga business declaration ni Vice President Duterte.





bottom of page