top of page

Prosekusyon, hihilinging ideklarang hostile witness si Baste Duterte sa impeachment court

Sari Story

September 20, 2026 at 8:36:43 AM

Larawan ni Mayor Baste Duterte

Ayon kay Tolosa, igigiit ng prosekusyon na taliwas ang interes ni Baste Duterte sa interes ng panel, na gagamitin nitong batayan sa paghiling na ideklarang hostile witness si Duterte.

City Information Office, Davao City

Hihilingin ng prosecution panel sa Senate impeachment court na ideklarang hostile witness si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.


Ayon kay prosecution panel spokesperson Benjamin Tolosa Jr. nitong Sabado, makatutulong ang kahilingan upang mas malayang matanong ng panel si Duterte kaugnay ng mga alegasyon tungkol sa yaman ng Bise Presidente.


Sinabi ni Tolosa na nais ng prosekusyon na malaman kung may kaugnayan ang mga kumpanyang idineklara ng Bise Presidente sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa Davao City government.


Noong Miyerkules, inanunsyo ng Senate impeachment court na naglabas ito ng subpoena para kay Baste Duterte at inatasan siyang humarap bilang testigo.


Kasalukuyang tinatalakay ng korte ang Article II ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.


Ayon kay Tolosa, igigiit ng prosekusyon na taliwas ang interes ni Baste Duterte sa interes ng panel. Ito ang gagamitin nilang batayan sa paghiling na ideklarang hostile witness ang alkalde.


Ipinaliwanag ni Tolosa na kapag idineklarang hostile witness, mas maluwag ang magiging paraan ng pagtatanong ng mga prosecutor, kabilang ang paggamit ng mas maraming leading questions na maaaring humingi ng diretsong “oo” o “hindi” na sagot.


Bukod kay Baste Duterte, naghanda rin ang House prosecution panel ng ilang opisyal ng gobyerno na magbibigay ng testimonya kaugnay ng Article II.


Inaasahang magpapaliwanag ang isang assistant commissioner ng Civil Service Commission tungkol sa mga patakaran at alituntunin sa paghahain ng SALN. Hihingan naman ng pahayag ang isang kinatawan ng Securities and Exchange Commission para matukoy kung may financial interests ang Bise Presidente sa ilang kumpanya.


Inilista rin ng prosekusyon ang mga kinatawan ng PhilHealth Region XI at ng bids and awards committee nito para suriin ang mga transaksiyon ng ahensya sa mga kumpanyang sinasabing konektado sa pamilya Duterte.


Inaasahan ding magbibigay ng impormasyon ang isang kinatawan ng Philippine National Police firearms and explosives office tungkol sa mga baril na nakarehistro sa pangalan ni Vice President Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.


bottom of page