Pangilinan: Wala pang napagkakasunduang petsa para sa hatol ng impeachment court
Sandra Samala-Salem
October 4, 2026 at 7:44:47 AM
Ayon kay Senador Pangilinan tungkol kay Spokesperson Tongol:“Ang petsa ng paglalabas ng hatol ay opinyon lamang ng tagapagsalita. Bilang senador-hukom, hindi ako sang-ayon sa opinyon ng tagapagsalita. Wala siyang awtoridad na maglabas ng sariling opinyon sa ngalan ng Korte.”
Mula sa Facebook page ni Regie Tongol
Kinuwestiyon ni Senador-Judge Kiko Pangilinan ang mga pahayag na maaari nang maglabas ng hatol ang impeachment court sa Disyembre 16. Ipinaliliwanag niya na hindi pa pormal o impormal man lang na natatalakay o maitatakda ng korte ang naturang iskedyul.
Ang pahayag ni Pangilinan ay kasunod ng naunang sinabi ni impeachment court spokesperson Regie Tongol na posibleng makapaglabas ng hatol ang Senado, bilang impeachment court, sa Disyembre 16 matapos maiharap ng prosekusyon at depensa ang kanilang mga ebidensiya at argumento.
“Ang Impeachment Court ay hindi pa pormal o impormal na nakakapag-usap tungkol dito at hindi pa nakapagpapasya sa timetable o timeline ng paglilitis, lalo na sa petsa ng paglalabas ng hatol na Disyembre 16 (The Impeachment Court has yet to formally or informally discuss this and has yet to decide on the timetable/timeline of the trial more so a verdict date of December 16),” sabi ni Pangilinan sa isang Facebook post.
Binigyang-diin din ng senador na walang awtoridad si Tongol na magsalita para sa korte hinggil sa mga paksang hindi pa pormal na napagkakasunduan.
“Ang petsa ng hatol na ito ay opinyon lamang ng tagapagsalita. Bilang senador-hukom, hindi ako sang-ayon sa opinyon ng tagapagsalita. Wala siyang awtoridad na maglabas ng sarili niyang opinyon sa ngalan ng Korte (This verdict date is merely the opinion of the spokesperson. As Senator Judge, I do not share the opinion of the spokesperson. He has no authority to issue his personal opinions on the Court’s behalf),” dagdag niya.
Una nang tinaya ni Tongol na maaaring matapos ng House prosecution ang paglalahad nito ng mga ebidensiya pagsapit ng susunod na linggo.
Sinuspinde ng impeachment court ang isang araw ng paglilitis noong nakaraang linggo na inilarawan bilang isang strategic pause, habang pinaikli naman ang isa pang sesyon matapos ipagpaliban ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang pagtestigo ng isang saksi mula sa Anti-Money Laundering Council o AMLC hanggang Lunes.
Gayunman, sinabi ni Tongol na hindi nahuhuli sa iskedyul ang mga paglilitis dahil ang isang buong araw ng paglilitis ay binibilang bilang dalawang sesyon.

