top of page

Palasyo: PNP, walang kinikilingan sa pagpapatupad ng batas, at hindi gagawing ‘sandata’ sa karahasan

Sari Story

September 7, 2026 at 9:27:11 AM

Larawan ni Vice President Sara Duterte

Larawan ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court nitong Sabado, Setyembre 5, 2026

Reuters / Eloisa Lopez

MAYNILA — Tiniyak ng Malacañang nitong Sabado na ginagampanan ng Philippine National Police o PNP ang mandato nito alinsunod sa batas, at wala silang kinikilingan o isinasaalang-alang na anumang pulitikal na interes.


Sa isang pahayag, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na nananatiling nakatuon ang kapulisan sa pangangalaga sa karapatan ng mga indibidwal na nasa ilalim ng kanilang proteksyon at sa paglilingkod sa interes ng mga Pilipino.


“Ipinatutupad ng PNP ang kanilang mandato ayon sa batas, walang kinikilingan at ng walang halong pulitika kundi para bawat Filipino lamang (The PNP is carrying out its mandate in accordance with the law, without bias and without political considerations, but solely for the benefit of every Filipino),” sabi ni Castro.


Tugon ito ni Castro sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte na nangangamba siya para sa kanyang kaligtasan at sa kanyang buhay matapos magtungo ang mga pulis sa kinaroroonan ng kanyang mga anak, kasunod ng pagpapalabas ng Quezon City Regional Trial Court ng warrant of arrest laban sa kanya.


Sinabi ni Duterte na nakaramdam siya ng kapahamakan matapos ang insidente at naniniwala siyang may papatay umano sa kanya.


Pero binigyang diin naman ni Castro na hindi papayagan ng pamahalaan na gamitin ang kapulisan bilang sandata para magsagawa ng karahasan.

Pinayuhan din niya ang mga indibidwal na may reklamo na gamitin ang naaangkop na legal na remedyo sa halip na maglunsad ng mga paratang na walang sapat na batayan.


“Ipinapaalala natin sa publiko na ang anumang agam-agam o reklamo hinggil sa aksyon ng pulisya ay maaari nilang ipaabot ang mga ito sa pamamagitan ng legal na pamamaraan at hindi sa pagsasagawa ng mga usaping walang batayan (We remind the public that any concern or complaint regarding police actions may be raised through legal channels, rather than through baseless allegations),” giit ni Castro.


“Nais rin namin ipaalala sa lahat na ang administrasyong ito ay hindi papayag na maging sandata ang kapulisan sa anumang karahasan (We also wish to remind everyone that this administration will not allow the police force to be used as a weapon for any form of violence),” dagdag pa niya.


Sinabi rin ni Castro na nananatiling buo ang tiwala ng pamahalaan sa pamunuan at mga tauhan ng PNP.


“Nanatili silang professional sa pangangalaga sa mga karapatan ng lahat ng taong nasa ilalim ng kanilang pagprotekta. Buo ang tiwala ng administrasyon sa pamunuan ng PNP at sa hanay nito (They remain professional in safeguarding the rights of all individuals under their protection. The administration has full confidence in the PNP leadership and its ranks),” ayon kay Castro.


bottom of page