Palasyo, iginagalang ang paglalabas ng arrest warrant laban kay VP Duterte
Sari Story
September 7, 2026 at 9:27:11 AM
Inihayag ng Malacañang nitong Biyernes na iginagalang nila ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court na maglabas ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga kasong grave threats na nag-ugat sa kanyang mga pahayag laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Iginagalang ng Palasyo ang anumang desisyon o kautusan ng korte,” ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro. (“The Palace respects any decision of or directive from the court.”)
Sinabi ito ni Usec. Castro matapos maglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 laban kay Duterte ukol sa tatlong bilang ng grave threats.
Itinakda ng korte sa PHP120,000 ang piyansa para sa bawat bilang, o kabuuang PHP360,000 para sa tatlong kaso.
Nag-ugat ang mga kaso sa pahayag ni Duterte sa isang online press conference noong Nobyembre 2024, kung saan sinabi niyang kumuha siya ng isang tao para ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House of Representatives Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Nagsampa ang Department of Justice ng kaso ukol dito. Pero nauna nang hiniling ng kampo ni Duterte na ibasura ang mga kaso dahil sa kawalan umano ng hurisdiksyon ng korte.

