Pagiging kumpidensyal ng AMLC records, pinagtalunan sa impeachment trial ni VP Sara
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
October 2, 2026 at 2:43:20 PM
Nagbanggaan ang prosecution at depensa ni Vice President Sara Duterte sa isyu ng pagiging kumpidensyal ng mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa ika-32 araw ng kanyang impeachment trial.
Umani ng pagtatalo ang usapin habang naghahanda ang prosecution na iharap bilang testigo si AMLC Executive Director Ronell Buenaventura. Hiniling ng lead defense counsel ni Duterte na si Attorney Sheila Sison sa impeachment court na ilipat sa Lunes ang testimonya ni Buenaventura, dahil kailangan pa umano ng depensa ng mas maraming oras para suriin ang napakaraming rekord na kanilang natanggap.
Ibinahagi rin ni Sison ang kanyang pangamba sa mga probisyon hinggil sa pagiging kumpidensyal ng mga rekord ng AMLC.
“Bukod dito, siyempre, sa aming pagtutol na maaari naming ihayag kaugnay ng pagiging kumpidensyal, ang ganap na pagiging kumpidensyal, ng mga rekord na ito (In addition, of course, to our objection that we may raise on the confidentiality, absolute confidentiality, of these records),” ani Sison.
Sinabi niyang may nakalagay na confidentiality markings sa mga buod na ibinigay sa depensa at binanggit ang Section 8-A ng Republic Act 11521, o ang amended Anti-Money Laundering Act, na nag-aatas sa mga tauhan ng AMLC na protektahan ang impormasyong nakukuha nila habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Iginiit din ni Sison na ang utos ng impeachment court noong Hulyo na nag-aatas sa AMLC na isumite ang mga rekord ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring maghain ng karagdagang pagtutol ang depensa sa paggamit ng mga ito.
Kinontra naman ni House prosecutor Diokno ang posisyon ng depensa at sinabing hawak na ng mga ito ang mga dokumento ng AMLC mula pa noong Setyembre 2.
Ayon sa kanya, hindi ipinagbabawal ng Section 8-A ang paggamit o pagtalakay sa mga rekord kapag may bisa ang subpoena na inilabas ng Senado bilang impeachment court.
“Hindi nito, at sa ilalim ng Konstitusyon ay hindi nito maaaring, pawalang-bisa ang naaayon sa batas na kapangyarihan ng Senado na magpalabas ng subpoena bilang impeachment court, kung saan ang pagsunod sa naaayon sa batas at konstitusyonal na subpoena ay isang makatuwirang batayan na, kung mayroon man, ay mag-aalis ng anumang pananagutang kriminal sa ilalim ng Article 11, Paragraph 6 ng Revised Penal Code, para sa sinumang kumikilos alinsunod sa utos ng nakatataas o para sa iba pang naaayon sa batas na layunin (It does not, and constitutionally cannot, nullify the lawful subpoena powers of the Senate sitting as an impeachment court where compliance with the lawful constitutional subpoena is a justifying circumstance that, if at all, would extinguish any penal liability under Article 11, Paragraph 6 of the Revised Penal Code, for any person acting in obedience to an order issued by a superior or some other lawful purpose),” ani Diokno.
“Naniniwala akong nasabi ko na ito noon, na ang Section 8-A ay nilayon lamang upang maiwasan ang pagtagas ng impormasyon ng mga opisyal o empleyado ng Anti-Money Laundering Council. Hindi ito kailanman nilayon na maging pangkalahatang panangga laban sa anumang legal na subpoena na inilabas ng isang lehitimong hukuman (I believe I have said this before, that Section 8-A was only intended to prevent leaks by officers or employees of the Anti-Money Laundering Council. It was never intended as a blanket shield for any lawful subpoenas issued by a proper court),” dagdag niya.
Binanggit ni Diokno ang mga pagkakataong nagpalabas ng subpoena ang Sandiganbayan sa mga opisyal ng AMLC na kalaunan ay nagsumite ng mga dokumento. Aniya, dapat ding magamit ng Senate impeachment court ang kapangyarihan nitong magpalabas ng subpoena.
Iginiit din niya na hindi maaaring humiling ang depensa ng reconsideration sa naging desisyon ng impeachment court, dahil ang naturang mosyon ay maaari lamang ihain ng isang senator-judge.
Sa kabila ng pagtutol ng prosecution, pinagbigyan ni impeachment court presiding officer Senator-Judge Francis Escudero ang depensa ng karagdagang oras upang suriin ang mga rekord.

