top of page

Paggamit ng mga alias, nagdulot ng mainitang pagtatalo sa impeachment trial ni VP Duterte

Sari Story

September 8, 2026 at 9:42:58 AM

Larawan ni Assistant National Statistician Marizza Grande

Pagharap ni Assistant National Statistician Marizza Grande ng Philippine Statistics Authority sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bilang testigo ukol sa records ng mga tumanggap umano ng confidential funds

Wendell Alinea / Senate Social Media Unit

MAYNILA — Naging ugat ng panibagong pagtatalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes ang paggamit umano ng mga alias sa mga transaksiyon ng confidential funds. Sumentro ang argumento sa tanong kung sino ang may responsibilidad na magpatunay sa mga alegasyon, ilang sandali bago mag-lunch break ang impeachment court.


Nangyari ang palitan matapos kuwestiyunin ni Senator-judge Raffy Tulfo ang ilang pangalang nakalista sa mga acknowledgment receipt. Ayon kay Tulfo, posibleng mga alias ang ilan sa mga pangalang ito upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga confidential informant. Gayunman, kinuwestiyon niya kung bakit magkakapareho ang mga pirma at sulat-kamay sa iba't ibang entries.


Sinabi naman ng House private prosecutor na si Atty. Mae Divinagracia na itinuring ng prosekusyon na tunay na mga pangalan ng mga diumano'y tumanggap ng pera ang mga nakalista sa mga resibo. Hindi naman kasi kailanman sinabi ng depensa sa kanilang sagot o maging sa pretrial proceedings na mga alias ang ginamit dito.


“Kung iyon po ang katotohanan, Your Honor, dapat ay sa pinakaunang pagkakataon ay sinabi na iyon ng depensa sa kanilang sagot. Pero hindi po nila iyon ginawa, Your Honor (If such was the fact, Your Honor, then the defense should have at the earliest opportunity already indicated that in their answer. But they never did, Your Honor),” sabi ni Atty. Divinagracia.


Dahil dito, iginiit ni Divinagracia na ipinagpalagay ng prosekusyon na tunay ang mga pangalang nasa acknowledgment receipt at humingi sila ng beripikasyon mula sa Philippine Statistics Authority o PSA.

Binanggit din ni Divinagracia ang mga artikulo ng impeachment na nagsasabing 398 sa 677 pangalan na nasa mga resibo ng Department of Education (DepEd), at 1,287 sa 1,992 pangalan na nasa mga resibo ng Office of the Vice President (OVP) ay hindi umano ma-verify sa civil registry records.


Iginiit niya na kung ngayon lamang sinasabi ng depensa na mga alias ang mga pangalang ito, dapat ay mas maaga pa itong naipaliwanag.


Pero tinutulan naman ito ng defense counsel na si Atty. Justin Nicol Dular. Giit niya, hindi naman tinukoy ng Commission on Audit (COA) bilang iregularidad ang paggamit ng mga alias. Dahil dito, wala umanong dahilan ang depensa upang tugunan ang isyu noong mga unang yugto ng kaso.


“Ang nananatiling katotohanan sa puntong ito ng paglilitis, at maging noong isinampa ang mga artikulo ng impeachment ay nasa prosekusyon ang burden of proof na ipaliwanag at patunayan ang bawat alegasyon (The fact remains at this point of the proceedings, and even at the time the articles of impeachment was filed, is that the prosecution had the burden of proof to explain and prove every allegation),” sabi ni Atty. Dular.


“Kung ngayon ay sinasabi nilang mga alias ang mga ito, nasa kanila ang burden of proof. Hindi sa depensa (If they are now claiming that these are aliases, the burden is with them. Not with the defense),” dagdag pa niya.


Samantala, sinabi ng presiding officer na si Sen. Francis “Chiz” Escudero na itinanggi naman ng depensa ang mga alegasyon sa impeachment complaint, kaya naisama na ito sa isyu.


Para naman kay Tulfo, hindi na nakapagtataka kung gumamit ng mga alias ang mga informant, lalo na kung layunin nitong protektahan ang kanilang pagkakakilanlan.


“Makakalusot pa sa akin yung bang gagamit ng alias. Kasi nga naman, syempre, as an informant, especially giving intelligence information or confidential information, siguro allowed sila na gumamit ng alias (I could still accept the use of aliases because, as informants giving intelligence or confidential information, they may be allowed to use aliases) to protect their identity,” sabi ni Tulfo.


Gayunman, iginiit din ni Tulfo na sobrang kwestyunable para sa kanya ang pagkakapareho ng mga pirma at sulat-kamay na lumilitaw sa mga dokumento.


“Pero yung bang pirma ng ilang mga informants po doon… pare-pareho. Tapos yung handwriting, yung pag-fill up ng mga pangalan doon, pare-pareho. Ibig sabihin, isang tao lang ang nag-fill up nun (But the signatures of several supposed informants were the same. The handwriting used to fill out the names was also the same. That means one person filled them out),” giit ni Tulfo.


Ayon pa kay Tulfo, dapat humarap sa impeachment court sina Col. Raymund Lachica at Col. Dennis Nolasco upang linawin kung paano inihanda ang mga pangalan at acknowledgment receipt para sa confidential funds ng OVP at DepEd.


“For me, it's really important na mapatawag dito yung Lachica at saka yung counterpart ng Lachica sa DepEd para sila talaga yung may kinalaman doon sa pagbibigay ng mga pangalan na ’yan (that Lachica and his counterpart in DepEd be called here because they were directly involved in providing those names),” sabi ng senador-judge.


Sabi ni Tulfo, makatutulong ang kanilang testimonya upang matukoy kung sino talaga ang naghanda ng mga resibo at maipaliwanag kung bakit magkakahawig ang sulat-kamay at mga pirma sa ilang entries.


Nauna nang inanunsyo ng House prosecution na hindi na nito isasama sa kanilang witness list sina Lachica at Nolasco, gayundin ang dating aide ni Duterte na si Ramil Madriaga. Ito ay matapos nilang sabihing sapat na ang mga testimonya at ebidensiyang naiharap upang patunayan ang kanilang mga alegasyon ng maling paggamit, maling paglalaan, at iregular na liquidation ng ₱612.5 milyon na confidential funds.


Naiugnay si Lachica sa paghawak ng confidential funds ng OVP matapos tumestigo ang dating special disbursing officer na si Gina Acosta na iniabot niya kay Lachica ang apat na tranche na tig-₱125 milyon, o kabuuang ₱500 milyon, alinsunod umano sa utos ni Duterte.


Samantala, naiugnay si Nolasco sa confidential funds ng DepEd matapos tumestigo ang dating special disbursing officer na si Edward Fajarda sa mga pagdinig ng Kamara na iniabot niya kay Nolasco ang tatlong release na tig-₱37.5 milyon, o kabuuang ₱112.5 milyon, na ginawa rin umano alinsunod sa utos ni Duterte.


bottom of page